Ivana Alawi, bibida sa bagong teleserye ng ABS-CBN na ‘Ligaya’




Imahe mula sa Facebook page ni Ivana Alawi
  • Malaki ang potensiyal ni Ivana Alawi bilang artista at ito marahil ang nakita ng ABS-CBN management para bigyan siya ng sariling teleserye
  • Ang pamagat ng teleserye ay “Ligaya” na ayon sa mga unang naiulat ay noon pang 2018 inialok kay Maja Salvador
  • Sa kabila nito, deserving pa rin si Ivana sa bagong proyektong ipinagkatiwala sa kaniya

Isinapubliko na ng ABS-CBN ang mga teleseryeng ipapalabas nila para sa 2020. Kabilang sa mga teleseryeng ito ay pinamagatang Ligaya na pagbibidahan ng modelo at aktres na si Ivana Alawi.

Sa mga oras na ito ay wala pang gaanong detalye na inilalabas ang ABS-CBN kundi ang poster ni Ivana na may kalakip na pamagat ng teleserye.

Imahe mula sa Facebook page ni Ivana Alawi

Ayon sa ulat ng Pep, noong 2018 pa inisyal na isinapubliko ang ukol sa Ligaya na proyekto ng ABS-CBN. Unang inianunsiyo na si Maja Salvador ang bibida rito matapos na maging matagumpay ang teleserye nitong Wildflower na umere ng halos isang taon (2017-2018).

Gayunman, hindi ito natuloy sapagkat ibang proyekto ang muling pinagbidahan ni Maja — ang The Killer Bride na unang ipinalabas noong Agosto 12, 2019 at inaasahang magtatapos sa Enero 17, 2020.

Sa isang press conference noong 2019, sinabi umano ni Maja na hindi niya tinanggap ang proyektong inialok sa kaniya kasunod ng Wildflower sapagkat tungkol umano ito sa infidelity o kawalan ng katapatan sa karelasyon.

Idinahilan ni Maja na nagawa na niya ang parehong tema sa teleseryeng The Legal Wife (2014) na pinagbidahan naman ni Angel Locsin.

Hindi man direktang tinukoy ni Maja kung anong proyekto ang hindi niya tinanggap, mahihiwatigan naman na iyon ay ang proyektong Ligaya.

Sa kabila nito, malaki pa rin ang potensiyal ni Ivana na magagampanan niya nang buong husay ang bagong teleserye na kaniyang pagbibidahan. Tiyak na kaya sa kaniya ibinigay ang nasabing proyekto ay dahil nakikita ng ABS-CBN management na mapaninindigan ni Ivana ang papel na gagampanan niya sa Ligaya.

Imahe mula sa Facebook page ni Ivana Alawi

Si Ivana ay unang napanood bilang Rina sa Precious Hearts Romances Presents: Araw Gabi na pinagbidahan ni Barbie Imperial. Lumabas din siya sa Ang Probinsyano bilang Madonna na love interest ni Don Gustavo (Eddie Garcia). Umeksena rin siya sa Sino Ang Maysala?: Mea Culpa bilang si Atty. Lolita del Rio.

Source :

Pep, ABS-CBN