Isang planner ibinida ang ‘hierarchy of needs’ ng isang empleyado; netizens, sumang-ayon




Larawan mula sa Facebook page ni Tita Witty
  • Trending sa social media ang isang pahina ng ‘witty’ planner dahil sa inilahad nitong hierarchy of needs ng mga empleyado
  • Tinalakay ang mahahalagang pangangailangan tulad ng sahod, mabait na boss, at hindi sapilitang performance sa Christmas party
  • Maraming netizens naman ang naka-relate sa mga inilahad sa nasabing planner at marami rin ang napabili nito

Mahalaga para sa bawat isa sa atin ang ating mga trabaho. Sa pamamagitan nito ay nagkakaroon tayo ng kita na ginagamit naman bilang pantustos sa iba’t ibang bilihin at bayarin. Gayunman, para sa marami sa atin, mayroong mga bagay sa ating workplace na hindi sang-ayon sa ating nais o pangangailangan na kung minsan ay hindi batid o nabibigyang-pansin ng ating employer.

Kaya naman ang isang ‘witty’ na planner ay ibinida ang hierarchy of needs ng isang empleyado. Nakalagay ito sa isang pyramid upang makita ang pinakamahalaga hanggang sa mga bagay na hindi masyadong kailangan ng isang manggagawa.

Larawan mula sa Facebook page ni Tita Witty

Sa isang pahina ng The Akala Ko May Matitira sa Bonus Ko and Other Jokes Planner ng sikat na personalidad online na si Tita Witty, ay mababasa ang mga pangangailangan ng isang empleyado ayon sa halaga nito. Marami ang nag-enjoy sa nasabing ‘hierarchy of needs’ dahil maliban sa real talk daw ito ay talaga namang malikhain ang pagkakagawa.

Ayon kay Tita Witty, ang pinakamahalaga ay ang sweldo. Siyempre, sino ba namang empleyado ang hindi gaganahan kung malaki ang sahod at nasa oras itong dumarating. Sabi nga nila, ang sweldo ay tila gasolinang nagpapaandar sa mga makina, at ang mga makinang iyon ay tayo.

Ikalawa sa pinakamahalaga ayon kay Tita Witty ay ang isang boss na ipararamdam sa iyong mahalaga ka sa kompanya at isang boss na tuturuan ka upang umunlad sa iyong ginagawa o magsisilbi mong mentor. Maliban kasi sa sahod, kailangan mo rin ang growth para sa iyong future career.

At kapag nga may boss ka na iyong mentor na rin, makukuha mo ang ikatlo sa hierarchy of needs ayon kay Tita Witty—ang growth. Kapantay din nito sa ikatlong puwesto ang maayos na katrabaho at working environment. Siyempre, ikalawang tahanan mo na ang opisina kaya naman dapat ay matiwasay ito para ganahan kang pumasok.

Larawan mula sa Facebook page ni Tita Witty

Nasa ikaapat naman sa listahan ni Tita Witty ang pagpasok sa workplace nang may dignidad pa. Nasa ikalima at pinakahuling kailangan ng mga empleyado ang mga extra activities tulad ng Christmas party at team building. Sana raw ay wag nang pasayawin sa party ang mga empleyado at walang sapilitan sa team building.

Isang malaking check naman ang ibinigay ng karamihan ng mga netizens na nakakita ng larawan sa Facebook page ni Tita Witty. Sabi nila, totoong-totoo ang mga sinabing ito ni Tita Witty kaya naman napabili sila ng kanyang sikat na planner para sa taong ito.