Inspirasyon sa pagbangon: Batangeña artist, gumamit ng mga abo mula sa Bulkang Taal sa kaniyang mga paintings




Imahe mula sa Facebook page ng Tanauan City of Colors / Janina Sanico
  • May mga Pilipino pa rin ang nakahuhugot ng inspirasyon sa gitna ng mabigat na suliraning pinagdadaanan
  • Isa na rito ang Batangeña artist na gumamit ng mga abong binuga ng Bulkang Taal sa kaniyang mga painting
  • Ipinagbibili niya ang kaniyang mga likhang-sining upang kahit paano ay matulungan ang kaniyang mga kababayan sa pagbangon

Kasalukuyang viral ang mga likhang-sining ng isang 24-taong-gulang na art teacher na gumamit ng mga abo na ibinuga ng Bulkang Taal sa pagpinta ng larawan ng makasaysayang bulkan.

Imahe mula sa Facebook page ng Tanauan City of Colors / Janina Sanico

Ang artist ay kinilalang si Janica Sanico na taga-Tanauan City, Batangas. Si Sanico ay kilala rin bilang coffee artist o gumagamit ng kape sa kaniyang mga likhang-sining.

Ayon sa ulat ng Reuters, na-inspire si Sanico na ipinta ang Bulkang Taal gamit ang mga abo mula sa bulkan na bumalot sa mga halaman sa kanilang bakuran.

Matapos makakuha ng sapat na abo, hinalo niya ang mga ito sa tubig at binder bago nagsimulang ipinta ang mga imahe ng Bulkang Taal, partikular ang imaheng ipinapakita ang kasalukuyang estado ng bulkan tulad ng isang artwork nito ng bulkan na may kasamang imahe ng kabayo.

Sa paliwanag ni Sanico, sinabi nitong masakit para sa kanya ang nangyaring sakuna. Nang makita umano niya ang kalagayan ng mga hayop ay nakakuha siya ng inspirasyon para sa kaniyang mga ipipinta.

Bilang alagad ng sining, isa sa mga ikinakampanya ni Sanico ay ang paggamit ng natural pigment water colors sa kaniyang mga likhang-sining.

Ang kaniyang mga paintings ay kaniyang ipinagbibili at ibinabahagi ang kita sa mga kababayan niyang naapektuhan ng kalamidad.

Imahe mula sa Facebook page ng Tanauan City of Colors / Janina Sanico

Dagdag pa ni Sanico, pinag-aralan at pinag-eksperimentuhan niya ang paggamit ng abo sa pagpinta. Nang ipaskil umano niya sa social media ang larawan ng kaniyang mga likhang-sining ay marami ang natuwa dito.

Samantala, kasalukuyan pa ring nagbubuga ng makapal na usok ang Bulkang Taal at may mga residenteng hindi pa rin pinababalik sa kani-kanilang tirahan.