Inflatable playground, labis na nagpasaya sa mga batang evacuees sa Batangas Sports Complex




Imahe mula kay Jester Pagkaliwagan | Facebook
  • Bumalik ang ngiti sa mukha ng mga batang evacuees matapos maglaro sa inflatable playground na makikita sa Batangas Sports Complex
  • Kapansin-pansin sa mga larawan at video na ibinahagi ni Jester Pagkaliwahan kung gaano nito napasaya ang mga bata na kasalukuyang nasa evacuation center
  • Sinabi rin ni Jester sa post na ang Shell at Malampaya Foundation ang siyang naghandog ng inflatable playground sa lugar

Simula nang mag-alburoto ang Bulkang Taal noong ika- 12 ng Enero, ilang mga pamilya na ang napilitang lumikas mula sa kani-kanilang tahanan at iwan ang hanapbuhay malapit sa isla.

Imahe mula kay Jester Pagkaliwagan | Facebook

Ang iba ay kinailangang harapin ang makakapal na abong ibinubuga ng Bulkang Taal makarating lamang sa ligtas na lugar. Mayroon namang dumating sa evacuation sites na balot ng putik dulot ng pinaghalong abo at ulan.

Tumatak din sa netizens ang mukha ng mga musmos at kaawa-awang bata na dumanas ng bagsik ng bulkan. Marami ang nalungkot sa sinapit ng mga bata kaya naman mayroon ding naghangad na ibalik ang ngit sa kanilang mga labi.

Sa Facebook noong Enero 17, ibinahagi naman ni Jester Pagkaliwagan ang mga bagong mukha ng mga bata na nasa evacuation center sa Batangas Sports Complex.

“Palaro para sa mga batang evacuee,” sabi nito sa post.

Sa mga larawan na kaniyang in-upload, makikita ang saya sa mga mata ng mga batang bakwit sa kabila ng dinaranas nilang pagsubok sa probinsiya.

Maayos ang mga itong pumila upang makalaro sa inflatable slide na handog umano ng Shell at Malampaya Foundation. Naroon din ang mga magulang at kamag-anak ng mga bata upang sila ay alalayan sa kanilang paglalaro.

Imahe mula kay Jester Pagkaliwagan | Facebook

Ibinihagi rin ni Jester ang video ni Baby Tala habang ito ay nag-eenjoy na magpadulas sa inflatable playground.

“Enjoy na enjoy ang batang evacuee na si Baby Tala sa inflatable [playground] na ito na handog ng Shell at Malampaya Foundation,” ayon sa netizen.

I-click ang imahe para mapanood ang video

Makikita sa ibinahagi nitong mga larawan at video ang saya na dulot ng inflatable playground sa mga batang bakwit.