Ilang mangingisda sa Romblon, nakahuli ng malaking yellow fin tuna sa pambihirang pagkakataon




Imahe mula sa Facebook post ni Jessa Royo
  • Nakahuli ng napakalaking yellow fin tuna ang ilang mangingisda sa Barangay Agtiwa, San Fernando sa Sibuyan, Romblon
  • Tinatayang may timbang itong 90 kilos kaya masayang–masaya ang mga mangingisdang nakahuli nito
  • Nagbigay naman ng iba’t ibang ispekulasyon ang mga netizens hinggil dito

Tuwang–tuwa ang tatlong mangingisda mula sa Barangay Agtiwa, San Fernando sa Sibuyan, Romblon matapos nilang makahuli ng isang malaking yellow fin tuna nitong Linggo ng umaga, Enero 26, 2020 na may bigat na 90 kilos.

Batay sa Facebook post ni Jessa Royo, residente ng lugar, bihira lamang daw kung makahuli ang mga mangingisda ng ganoong klaseng malaking isda sa kanilang lugar, kaya naman walang pagsidlan ang saya ng tatlong mangingisda.

Imahe mula sa Facebook post ni Jessa Royo

Namangha rin ang mga netizens sa laki ng yellow fin tuna, at natuwa sila para sa tatlong mangingisda. Biyaya umano ito mula sa langit. Komento ng isa, “Blessing ‘yan mga kuya… last week, Romblon din yung maraming tulingan yata na mga nahuli, tuna naman ngayon. God bless mga kuya.”

“Mayaman pala talaga sa isda ang karagatan ng Romblon. Sana hindi mapuntahan ng mga taga Chinang mangingisda diyan. Marami palang isda diyan,” saad naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Malalaki talaga ang mga tuna diyan… noong naligo kami sa Naic, may fishing boat na nagbaba rin ng yellow fin tuna… ganyan din kalalaki… tinanong ko kung saan nahuli, sabi ng tauhan ng bangka sa kalagitnaan daw ng Mindoro, Marinduque hanggang Romblon.”

Samantala, may ilang mga netizens na nagbigay ng sapantahang masamang pangitain ito. Pinaniniwalaan kasi ng ilan ang pamahiing may masamang pahiwatig ang paglabas ng mga isda sa karagatan.

Sabi ng isa, “Hindi kaya sign of tragedy ‘yan? Rudy Baldwin just posted his vision or premonition about Romblon’s future calamity about 16 hours ago.”

Imahe mula sa Facebook post ni Jessa Royo

“Ingat po kayo sa Romblon, may masamang pangitain po diyang parating,” babala naman ng isa.

“Hinulaan ni Rudy Baldwin ang Romblon, hindi sa pananakot ha, accurate kasi mga hula niya… mataas na tubig ang mararanasan ng Romblon, baha or tsunami basta ganyan…” takot na turan naman ng isa.

Kamakailan, napabalita ang paglabas ng maraming mga isdang tulingan sa karagatan din ng Romblon, na umabot hanggang sa dalampasigan.

Marami ang nagsasabing may kinalaman ito sa nangyayaring pagputok ng Bulkang Taal. Subalit ayon sa mga residente lalo na ang mga mangingisda, normal lamang ito lalo na sa panahong nagbabago ang temperatura ng hangin.