Friendship goal: Larawan ng dalawang bata na nagtutulungan noong Traslacion, umantig sa mga netizens




Larawan mula sa Facebook account ni Alvin Casitas at Pexels
  • Trending sa social media ang larawan ng magkaibigang nagpakita ng totoong diwa ng tulungan
  • Kuha ni Alvin Casitas ang larawan ng isang batang nakasampa sa likod ng kaibigan nito upang makita ang Traslacion
  • Maraming netizens ang naantig sa larawan at sinabing friendship goals daw ang dalawang bata

Kamakailan ay nag-trending sa social media ang larawan ng isang kaibigang sinamahang magdiwang ng kaarawan ang kanyang best friend. Maraming netizens ang naantig sa larawan kahit hindi batid maging ng kumuha ang mga naganap pa sa simpleng selebrasyon na ginawa nila nang magkasama.

Ngayon naman, viral sa social media ang larawan ng dalawang bata na ipinakita ang kanilang matibay na pagkakaibigan sa pamamagitan ng pagtutulungan noong nakaraang Traslacion upang makasilip sa Poong Nazareno.

Larawan mula sa Facebook account ni Alvin Casitas

Nire-upload ng netizen na si Joaquin Guzman ang larawang orihinal na kuha ni Alvin Casitas tungkol sa dalawang batang nais makasilay sa ginagawang parada ng Nazareno. Noong 2019 pa kuha ang larawan ngunit muling nag-trending nang ibahagi ni Guzman sa kanyang account.

Umantig kasi sa mga netizens ang tibay ng pagkakaibigan ng dalawang bata. Nakadapa ang isang bata at nagsilbing tungtungan ng kanyang kaibigan upang makasilay ito sa nagaganap na parade sa kabila ng mataas na harang.

“Sumampa ka na ‘tol. Kapag nasa taas ka naman, hilahin mo ako pataas. Masarap umangat na nakasuporta ang kaibigan,” pagpapakahulugan ni Guzman sa larawan ni Casitas.

Agad na nag-viral sa Facebook ang larawan ilang oras lamang matapos itong i-repost ni Guzman. Umabot na sa 2,700 reactions, 210 comments, at 10,000 shares ang nakaaantig na larawan ng magkaibigan.

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizen ang nagkaroon ng realization nang makita ang larawan ng magkaibigan. Pahayag ng ilang netizens, ang samahan daw ng mga bata ang tunay na larawan ng pagkakaibigan dahil nagagawa nilang maging masaya sa mga maliliit na bagay at karaniwan nilang naipakikita ang pagtutulungan sa simple ngunit makabuluhang paraan.

Ang ibang netizens naman ay kanya-kanyang tag sa kanilang mga kaibigang naalala nila pagkakita sa larawan. May mga mag-best friend na nagpahayag ng kanilang pagmamahal sa kanilang mga kaibigan na laging nakasuporta anuman ang kanilang pagdaanan.