Friends pa rin: Nadine at James, namataang lumabas kasama ang mga kaibigan matapos ang hiwalayan nila




Larawan mula sa Instagram account ni Lauren Reid
  • Namataang magkasamang muli ang dating magkasintahan na sina James Reid at Nadine Lustre
  • Nagkaroon sila ng bonding kasama ang ilang kaibigan na ibinahagi naman ng kapatid ni James na si Lauren
  • Maraming fans naman ang natuwa sa maganda pa ring samahan ng dalawa kahit natapos na ang kanilang relasyon

Matapos ang pag-amin ng dating magkatambal na sina James Reid at Nadine Lustre na hiwalay na sila at hindi na magkarelasyon, patuloy pa ring sinusundan ng madla ang kanilang mga kilos. Marami pa rin ang interesado sa kanilang ginagawa lalo na’t napapabalitang kahit umaming hiwalay na ay magkaibigan pa rin umano ang dalawa.

Ganito ang laman ng ilang larawang ibinahagi ng kapatid ni James Reid na si Lauren sa kanyang Instagram account. Kasama siya, ang JaDine, at iba pa nilang kaibigan, makikita sa larawan ang kasiyahan sa pagitan nilang magkakaibigan.

Larawan mula sa Instagram account ni Lauren Reid

Ayon sa post ni Lauren, nagsama-sama silang magkakaibigan para sa kanilang ‘pasta night’ at kita sa larawan na masaya ang bonding nila. Hindi man magkalapit sa upuan ay masaya naman sina James at Nadine sa nasabing larawan.

Marami namang fans ng dalawa ang natuwa na kahit hiwalay na sila ay patuloy pa rin ang kanilang pagkikita. Marami rin ang umaasa na sana ay hindi pa huli ang lahat upang magkabalikan ang dalawa na may chance daw ngayon dahil nakikita nilang in good terms pa rin ang kanilang mga idolo.

Ngunit sabi naman ng ilang fans, dapat ay hindi na sila magtaka kung patuloy pa ring nagkikita sina James at Nadine dahil nilinaw naman nila sa kanilang official statement sa Tonight with Boy Abunda na maayos naman daw ang kanilang samahan.

Hindi ito ang unang beses na nakita ang dalawa na magksama matapos ang kanilang hiwalayan. Noong weekend, umikot sa social media ang larawan nina James at Nadine habang nasa isang kasiyahan sa Makati City.

Larawan mula sa Instagram account ni Lauren Reid

May mga nag-upload ng video na habang nasa isang pub ang dalawa ay nag-uusap naman sila at minsan nga ay magkatabi pa sa kanilang upuan. Ngunit kasama pa rin ng JaDine ang kanilang mga kaibigan sa paglabas nilang ito.

Matatandaang bago umamin sa publiko, maugong na ang balitang hiwalay na ang dalawa ngunit hindi makumpirma dahil madalas pa rin silang makitang magkasama hanggang sa kanilang inilabas na statement sa show ni Boy Abunda.

Source :

Instagram, PEP