Evacuee, inireklamo ang pulis na naniket sa kaniya sa kasagsagan ng pagputok ng Bulkang Taal




Imahe mula sa Facebook account ni Arci Drxs Rys
  • Inireklamo ng isang evacuee ang mga pulis sa Batangas
  • Wala raw umano silang konsiderasyon sa naging kalagayan nila sa kasagsagan ng pagputok ng Bulkang Taal
  • Tiniketan kasi siya nito dahil sa umano’y counter flow at dress code violation

Isang evacuee na hindi nakaligtas sa pagputok ng Bulkang Taal noong Enero 12, 2020 ang nagbulalas ng kaniyang hinanakit sa mga pulis sa Batangas na naniket sa kaniya dahil sa umano’y violations sa kasagsagan pa ng emergency.

Ayon sa Facebook post ng nagngangalang “Arci Drxs Rys” noong Enero 16, 2020, nagtungo umano sila sa bayan upang mamili ng mga gamit. Tricycle ang ginamit nilang sasakyan. Pinahinto umano sila sa check point at kinukuha ang lisensiya ng kapatid niya na siyang nagmamaneho.

Imahe mula sa Facebook account ni Arci Drxs Rys

Sinabi umano nilang evacuees sila subalit parang hindi naman daw naniwala ang mga pulis. Mali raw ang daanan nila dahil one way lamang iyon. Pinagpasa–pasahan daw ang lisensiya ng kaniyang kapatid. Nakiusap sila sa pulis na sana ay maawa sa kanila, subalit patuloy pa rin silang tiniketan. Ang nakapagtataka, ang violation ticket na ibinigay sa kanila ay pagsusuot ng sleeveless na damit at tsinelas.

“Naiintindihan ho namin ang trabaho ninyong mga pulis ngunit sana ho ay naiintindihan ninyo rin ho kami sa ganitong sitwasyon. Kakapanlumo ho kayo. Sa sitwasyong ito mas lalo kong naramdaman ang sakunang aming pinagdadaanan,” nasabi na lamang ng evacuees.

Samantala, nagbigay naman ng pahayag ang mga pulis na nasangkot sa isyung ito sa Facebook page na Batangas Pulis.

Ayon sa Facebook post, tinupad lamang daw nila ang kanilang tungkulin at ipinaliwanag ang naging violation nila.

“Ang kanya po naging violation ay counter flow at dress code violation pero sa simpatya po ng ating kapulisan ay inalis na lamang ang major violation at ginawa na lamang na “wearing slipper (sleper)” na binatikos din po ang maling spelling ng slipper,” paliwanag nila.

Dagdag pa nila, “Ang ginawa po ng ating kapulisan ay hindi isang pagmamalabis kundi pagtupad lamang sa aming tungkulin. Nais po lamang ng inyong kapulisan na maiayos ang lahat para sa kapakanan ng buong mamamayan partikular ang mga Batangueño.”

Imahe mula sa Facebook account ni Arci Drxs Rys

Sa huli, humingi sila ng tawad at humiling ng kooperasyon sa lahat.

“Gayunman, ang buong kapulisan ng Batangas City, sa pangunguna ng aming hepe ay humihingi ng paumanhin at hinihingi po namin ang kooperasyon ng lahat para sa ikakaayos at ikakatahimik ng ating lungsod.”

Dalangin natin na maisaayos na ang gusot na ito sa pagitan ng natiketang evacuee at mga pulis.