El Nido, Palawan, isa sa top picks ng isang website bilang best solo travel destination ngayong 2020




Larawan mula sa PTV News
  • Itinanghal ang El Nido, Palawan bilang isa sa best solo travel destinations ng 2020
  • Ito raw ay ayon sa rekomendasyon at karanasan ng mga sikat na travel experts at travel blogger
  • Maliban dito, marami pang nakuhang parangal ang Palawan na lalong magpapalakas sa turismo nito

Kinikilala na ang Palawan bilang isa sa pinakamagagandang lugar sa Pilipinas. Ang kanila ngang Underground river park ay isa nang UNESCO Heritage site habang kabilang din ito sa New 7 Wonders of Nature. Kaya naman hindi na nakapagtatakang isa ito sa pinakadinarayong lugar sa Pilipinas.

At ngayong 2020, huwag nang magtaka kung lalo pang daragsa ang mga turista sa Palawan. Featured lang naman kasi ang El Nido, Palawan bilang isa sa mga top solo destinations ng isang sikat na website.

Larawan mula sa PTV News

Sa isang artikulo sa lifestyle website na Huffpost, nasa ika-24 sa kanilang listahan ang El Nido, Palawan bilang best solo travel destination ngayong 2020. Ibinida nila sa nasabing akda na rekomendado raw ng ilang travel bloggers at travel experts ang mga napasama sa kanilang listahan.

Tiniyak din daw ng author ng article na ang mga pupuntahan sa kanilang listahan ay talaga namang makapagbibigay ng aliw at relaxation kahit na mag-isa mo lamang pupuntahan ang mga tourist destinations na ito.

Ayon sa nasabing listahan, bagay sa solo travellers ang El Nido, Palawan dahil marami kang magagawa rito nang mag-isa tulad ng mga water sports, paglalakbay sa iba’t ibang isla at biyaya ng kalikasan, at maging mga boutique hotels na talaga naman daw nakare-relax.

“The Philippines is a great place to travel solo in 2020. El Nido is full of beautiful beaches with endless water sports, boutique hotels, and design-led hostels — perfect for meeting other solo travelers. The island’s famous boat tours are a great place for solo travelers to experience the culture with the comfort of a group,” lahad ng nasabing Huffpost article.

Larawan mula sa PTV News

Maliban sa pagkilalang ibinigay ng Huffpost sa El Nido, Palawan, marami na ring naunang mga artikulo ang nagbanggit sa nasabing isla at inilarawan ang kagandahan nito. Napasama na ito sa Top 24 Best Island Beaches in the World ng Conde Nast Traveler Readers.

Napabilang din ito sa tinaguriang Most Instagrammable Places in the World ng Big 7 Travel nito lamang Enero. Tinanghal na rin ng Forbes ang El Nido Resorts bilang isa sa mga world class charms ng isla ng Palawan.