Dina Bonnevie pinuri ang nakaalitan niya noong si Coney Reyes dahil sa mahusay na pagpapalaki kay Vico Sotto




Larawan mula sa Instagram account nina Dina Bonnevie at Vico Sotto
  • Pinuri ng aktres na si Dina Bonnevie si Coney Reyes dahil sa pagpapalaki nito kay Vico Sotto
  • Parehong naging karelasyon ng TV host na si Vic Sotto ang dalawa at umaming nagkaalitan noon
  • Ngunit ayon kay Dina, nagkabati naman daw sila at ito rin ang naging dahilan kung bakit lumalim ang pananampalataya niya sa Panginoon

Balik sa paggawa ng teleserye ang beterenang aktres at host na si Dina Bonnevie. Sa pagkakataong ito, hindi lamang supporting role ang gagampanan niya kung hindi isa sa apat na bida ng classic movie remake na Anak ni Biday vs Anak ni Waray na mapapanood sa GMA Network.

At kaakibat ng muling pagiging aktibo ni Dina sa showbiz ay ang pagdating ng mga intriga sa kanya, kabilang ang pag-ungkat sa pagkakaroon ng anak ng dati niyang asawa na si Vic Sotto sa ibang babae. Sa isang panayam, inamin ni Dina na nagkaroon sila ng alitan ng kapuwa aktres na si Coney Reyes dahil sa pagkakaroon nila ng anak ni Vic.

Larawan mula sa Instagram account ni Dina Bonnevie

Sabi niya, masakit para sa kanya na nagkaroon ng anak sa iba ang dating asawa at dahil dito ay hindi naging maayos ang samahan nila ni Coney noong una. Gayunman, sa kabila ng lahat ng kanilang pinagdaanan, sinabi ni Dina na nagkaayos sila sa tamang panahon na ibinigay ng Panginoon.

“Everyone knew that I had a fight with a friend because of my partner, husband. They had a child, too. Of course it was painful. Inabot din ng ilang years bago kami nagkabati. But God is good, we forgave each other,” sabi ni Dina na ina nina Danica at Oyo na anak niya kay Vic.

Inilahad rin ni Dina na dahil sa pagkakabati nila ni Coney, nakilala niya ang Panginoon at nagkaroon siya ng mas malalim na pananampalataya. Kilala rin kasi si Coney na aktibo sa kanyang pagiging Christian na napapanood rin sa inspirational TV show na The 700 Club Asia.

“She has now devoted her life to the Lord and stands on firm ground…  Back then, she invited me to the church she goes to. And that’s when my being a Christian grew deeper,” pahayag ni Dina.

Larawan mula sa Instagram account ni Vico Sotto

Pinuri din ni Dina ang maayos na pagpapalaki ni Coney sa kanilang anak ni Bossing na si Vico Sotto na ngayon ay Mayor na ng Pasig City. Natutuwa raw si Dina dahil lumaking matalino si Vico na gumagawa ng maraming pagbabago sa lungsod na pinaglilingkuran niya.

“I admire her for that… for doing it on her own. Kudos to her. Vico is a very intelligent boy,” papuri ni Dina kay Coney na makakasama na rin niya ngayon sa Kapuso network.