Chinese New Year traditions na maaaring makibahagi ang mga Pinoy




Image via raz850 from Pixabay
  • Taon-taon ay ipinagdiriwang ang Chinese New Year sa Binondo, Manila
  • Bilang pagrespeto sa mga kapatid na Tsinoy, nakikibahagi ang mga Pinoy sa ilang mga tradisyon
  • Inasahan ang pinakamalaking selebrasyon ng Chinese New Year ngayong taon sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno

Bukod sa bagong taon na ipinagdiriwang ng Pilipinas tuwing January 1 kasabay ng buong mundo, nakaugalian ring ipagdiwang sa ating bansa ang Chinese New Year mula sa mga ninunong Tsino, mas kilala sa tawag na Tsinoy, na nakipagkalakaran at nanirahan dito bago pa man tayo sakupin ng mga Espanyol.

Image via David Mark from Pixabay

Ang Binondo ang itinuturing na Chinatown ng Pilipinas dahil dito unang namalagi at nagpatayo ng negosyo ang mga Tsinoy, kung saan ang iba sa mga ito ay maaari pa ring makita at pasyalan sa kasalukuyan. Dito ang nakaugaliang sentro ng pagdiriwang ng Chinese New Year na dinadayo rin kahit ng mga Pinoy.

Samu’t saring mga aktibidad at ritwal ang isinasagawa sa araw na ito ng mga Tsino at Tsinoy na talaga namang sagrado at pinaghahandaan nila subalit mayroon ring ilang mga tradisyon kung saan maaaring makibahagi ang mga Pinoy.

Una na sa listahan ang panonood ng tinatawag na dragon dance.

Ayon sa China Highlights, ang dragon ay sumisimbolo sa karunungan, kapangyarihan, at kayamanan. Sa pamamagitan ng ritwal na ito, pinaniniwalaang nakatatanggap ng suwerte ang mga tao taon-taon.

Paborito namang bahagi ng tradisyon ng ilang Pinoy ang pagkain ng Nian Gao o mas kilala sa tawag na tikoy. Ito ay isang uri ng malagkit na kakanin na madalas niluluto sa pamamagitan ng pagprito. Ang iba ay mas gustong hinahaluan ito ng itlog bago lutuin.

Maaari ring makiisa ang mga Pinoy sa araw na ito sa pamamagitan ng pagsuot ng kulay pulang damit. Ang pula kasi ay pinaniniwalaan ng mga Tsino na sumisimbolo sa kasiyahan, kagandahan, kasiglaan, kasaganaan, tagumpay, at swerte.

Isa pang nakasanayan ng mga Pinoy na kaugalian ng mga Tsino ay ang pagbibigay ng pulang envelope, kilala sa tawag na hongbao o ang pao, na naglalaman ng pera. Ang tradisyon namang ito ay sumisimbolo sa pagbibigay ng suwerte at pagpapala sa iba, lalo na sa mga bata.

Image via Lisa Redfern from Pixabay

Sa taong ito, pangungunahan ni Manila Mayor Isko Moreno ang pagsalubong at pagdiriwang sa Chinese New Year sa pakikipagtulungan ng Filipino-Chinese General Chamber of Commerce Inc. (FCGCCI) at ang Manila Chinatown Development Council.

Sa araw na ito, mahalaga ang pagbibigay natin ng respeto bilang mga Pinoy kasabay ng pakikisaya at pakikibahagi sa kanilang mga tradisyon at ritwal.