Celebrity couple Dingdong at Marian, nagdiwang ng ikalimang taong anibersaryo ng kasal sa Dapitan




Imahe mula sa Instagram accounts nina Dingdong Dantes at Marian Rivera
  • Nagdiwang ng ikalimang taong anibersaryo ng kanilang kasal sina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Dapitan
  • Nagpalitan sila ng matatamis na mensahe sa isa’t isa sa pamamagitan ng kanilang mga Instagram accounts
  • Nagkakilala ang dalawa sa Philippine–adaptation ng Mexican telenovelang “MariMar” ni Thalia noong 2007 kung saan sila ang dalawang bida

Isa sa mga itinuturing na “relationship goals” sa industriya ng showbiz ang celebrity couple na sina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Sino nga ba ang mag-aakalang mauuwi sa tunay na pagmamahalan at pagpapakasal ang pinakasikat na pambatong tambalan ng GMA Kapuso Network?

Kaya naman, sa ikalimang taong anibersaryo ng kanilang kasal, pinili nina “DongYan” na ipagdiwang ito sa isang beach resort sa Dapitan. Nag–iwan ng matamis na mensahe sa isa’t isa ang mag–asawa batay sa kanilang mga Instagram accounts noong Disyembre 31, 2019, na may magkatulad na larawan.

Imahe mula sa Instagram accounts nina Dingdong Dantes at Marian Rivera

Ayon sa Instagram post ni Dingdong, “For as long as we remain solid (like our commitment to cliche poses), we will weather any st0rm. Happy to be jumping off dangerous cliffs with you for these past 5 years, my love. Lumundag pa tayo, Beybe!”

Batay naman sa Instagram post ni Marian, “My strength, my joy, my lifeline, my everything! Thank you for all that you are. Happy anniversary Mahal ko.”

Hindi naman naiwasan ng kanilang mga tagahangang netizens na kiligin at magbitiw ng komento hinggil sa kanilang dalawa. Sabi ng isa, “Happy 5th Anniversary DongYan! God bless you always. Isa pa rin kayo sa mga mahal kong loveteams.”

Turan naman ng isa, “Cheers to that! Happy Anniversary sa inyo, Dingdong and Marian. We are still hoping na magsama kayo sa isang teleserye o kaya sa pelikula, kasama ang mga anak ninyo.”

Unang nagkasama sina Dingdong at Marian sa Philippine-adaptation ng Mexican telenovelang “MariMar” ni Thalia noong 2007, na nagbigay ng ibayong stardom kay Marian, gayundin kay Dingdong. Ito ang naging simula ng pagbida ni Marian sa iba’t ibang mga teleserye, na nagtanghal sa kanila ni Dingdong bilang Primetime Queen and King ng Kapuso Network.

Imahe mula sa Instagram accounts nina Dingdong Dantes at Marian Rivera

Sa kasalukuyan ay biniyayaan ng dalawang cute na anak sina Dingdong at Marian na inaabangan na rin ng mga tao kung susundan ba ang kanilang yapak.

Pagbati kina Dingdong at Marian!