Bonding moment? Mga pusa seryosong nakikinig sa kuwento ng kanilang amo




Larawan mula sa Facebook page na The Cat House
  • Patok sa mga netizens ang larawan ng mga pusang nakikinig sa kuwento ng kanilang amo
  • Kinukuwento raw ng lola sa mga pusa ang kanilang pamumuhay sa probinsya noon
  • Kuha ito ng Facebook page na The Cat House na umani na ng libo-libong reactions at shares

Marami sa atin ang pinagbubuhusan ng panahon ang ating mga alagang hayop. Nariyan ang pinagkakagastusan talaga ang mga kagamitan ng kanilang alaga tulad ng magiging tahanan nito, pagkain, maging mga accessories at mga susuotin. May ilan din na talaga namang hindi pinababayaan ang mga alaga sa oras na hindi maganda ang pakiramdam nito.

Ngunit hindi sa lahat ng panahon na ang mga amo ang nagbubuhos ng atensyon at panahon para sa kanilang mga alaga. May oras na ang mga cute na alaga naman natin ang magbibigay ng oras para pakinggan ang mga kuwento at karanasan.

Larawan mula sa Facebook page na The Cat House

Ganito ang ipinakikita ng isang larawan mula Facebook page na The Cat House. Isang matandang babae kasi ang seryosong nakikipag-usap sa kanyang mga alagang pusa na malugod namang nakikinig sa kanya. Nasa anim na pusa ang nasa larawan at ang atensiyon nila ay nasa matandang nagsasalita.

Ayon sa post, akala raw ng kumuha ng larawan na mayroong bisitang kinakausap ang nanay niya sa may kusina nila. Ngunit nang makita niya, ang mga alagang pusa pala ang kausap at sinasalysayan daw ito ng kanilang pamumuhay sa probinsya.

“Yung akala mo may bisita, kasi may kausap ang Nanay niyo sa kusina . . . yun pala nagkukwento lang siya sa mga pusa ng buhay nila dati sa probinsya,” sabi ng post ng The Cat House.

Marami namang amo ang tila naka-relate at na-good vibes ng post na ito. Agad kasing nag-viral sa social media ang larawan at umabot na sa higit 73,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 6.700 comments, at 57,000 shares.

Larawan mula sa Facebook page na The Cat House

Marami sa mga nagkomento ay nagbahagi rin ng larawan ng kanilang alagang pusa na katulad rin ng mga pusa sa trending post na marunong din daw makinig kapag may kuwento silang mga amo. Tila mga proud parent ang mga amo sa pagkukuwento ng mga kulit at serious moments ng kanilang mga alagang pusa.

Nagpatuloy din ang pagbabahagi ng The Cat House ng larawan ng mga pusa na tila sawa na rin umano sa paulit-ulit na pagkukuwento ng matanda sa larawan sa kanilang pamumuhay sa probinsya na lalong nagbigay ngiti sa mga netizens.