Best friends forever: 2 lolo na masayang nagpi-picture taking sa isang kainan, umantig sa mga netizens




Larawan mula sa Vibes Facebook page
  • Trending sa social media ang larawan ng dalawang lolo na tuloy pa rin ang masayang bonding sa kabila ng kanilang edad
  • Masaya kasing nag-picturan ang dalawa sa kinakainan nilang stall sa mall
  • Maraming netizens naman ang gustong maging ganito ang relasyon sa kanilang mga BFF pagdating ng araw

Maliban sa ating mga kamag-anak at kapamilya, isa sa mga maaasahang katuwang natin ay ang ating mga kaibigan. Sila ang nagpapatunay na maaaring maging sandalan at kaagapay ang isang taong hindi natin kadug0.

Ito ang pinatunayan ng dalawang matanda na viral ngayon sa Facebook. Sa post ng isang Facebook page na Vibes, makikita ang dalawang lolo na masayang kinukuhanan ng larawan ang isa’t isa habang kumakain sa isang mall.

Larawan mula sa Vibes Facebook page

Sa unang larawan, makikita ang lolo na kinuhanan ng larawan ang kanyang kaibigang kaharap niya sa lamesa. Sa ikalawang larawan, ang isang lolo naman ang kumuha ng larawan ng kasama at tumayo pa ito sa kanyang upuan para mas maganda ang kuha nito.

“You don’t need a huge number of friends. One will be enough as long as it’s real,” caption ng Vibes sa kanilang Facebook post.

Agad na nag-viral sa social media ang larawang ito ng mga lolo at umani ng 11,000 reactions na karamihan ay ‘love,’ 6,100 comments, at 27,000 shares. Marami sa mga netizens ang natuwa sa uri ng samahan na mayroon ang dalawang matanda.

Ayon sa kanila, mapalad ang dalawa na mayroong nakitang tunay na kaibigan na tatagal hanggang sa kanilang pagtanda. Masaya sila dahil malakas pa ang dalawa at nakalalabas pa. Sabi ng ilan, BFF goals ang dalawa at sana raw ay magawa nila itong magkakaibigan sa kanilang pagtanda.

Larawan mula sa Vibes Facebook page

“This is how we look like when we grow old. Pero hindi naman ako mahilig magpa-picture kaya ikaw na lang ang pi-picturan ko,” sabi ng isang netizen sabay tag sa kanyang best friend.

May ilan namang nangulila sa kanilang matalik na kaibigan. Ang iba kasi, nasa ibang lalawigan o ibang bansa na ang kanilang best friend kaya miss na raw nila ang kanilang bonding.

“Sana andito ka… To date me and take pictures together,” sabi ng isang netizen na nangungulila sa kanyang matalik na kaibigan.