Ai-ai delas Alas, ibinunyag na babalik na sana sa showbiz si Jiro Manio ngunit bumalik na naman ito sa maling gawi




Larawan mula sa Instagram post ni Ai-ai delas Alas
  • Nagsalita na si Ai-ai delas Alas patungkol sa bagong isyung kinahaharap ng anak-anakang si Jiro Manio
  • Ayon sa kanya, matapos niya itong tulungan, muli itong bumalik sa madilim na landas
  • Nakatakda pa nga raw sana itong bumalik sa showbiz ngunit hindi na natuloy dahil hindi raw nagbago si Jiro

Muling umugong ang pangalan ng dating child star na si Jiro Manio, hindi dahil may bago siyang proyekto, ngunit dahil sa kinasangkutan nitong gul0 sa Marikina kamakailan. Marami ang nagulat dahil akala nila ay nagbago na ang aktor dahil matatandaang tinulungan ito ng kanyang nanay-nanayan na si Ai-ai delas Alas.

Ngunit sa isang Instagram post, sinabi ni Ai-ai na bagama’t ginawa niya ang lahat upang magbago ang anak-anakan, muli raw itong bumalik sa kanyang maling gawi matapos niyang ipasok sa rehab nang dalawang beses. Sa in-upload ni Ai-ai na video sa kanyang account, detalyadong ikinuwento ng komedyana ang kanyang pinagdaanan sa pagtulong kay Jiro.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ni Ai-ai delas Alas

Matapos daw matagpuan si Jiro noong 2015 sa isang airport sa Maynila, ipinasok daw ni Ai-ai si Jiro sa isang rehab kung saan ito nagtagal ng anim na buwan. Buong akala nila ay maayos na si Jiro at nakatakda pa nga raw magbalik sa showbiz. Kinuhanan pa raw ni Ai-ai ng condo si Jiro upang makapag-umpisang muli.

Tinulungan ni Ai-ai ang batang aktor na magkaproyektong muli at pumirma na raw ito ng kontrata sa GMA Network para ipalabas ang kuwento niya sa Magpakailanman na si Jiro din mismo ang gaganap. Ngunit ilang oras lamang daw matapos ang contract signing ay tumawag si Jiro kay Ai-ai na ayaw na niyang bumalik sa showbiz.

Dito raw napansin ni Ai-ai na hindi pa talaga magaling si Jiro kaya naman kahit nakatakda na ang kanyang comeback sa showbiz ay ipinasok nila itong muli sa isang rehab facility sa Bataan. Ilang buwan matapos ipasok sa rehab ay napag-alaman ni Ai-ai na muling bumalik si Jiro sa masamang gawi nito.

Sa pagkakataong iyon ay sumuko na raw si Ai-ai sa pagtulong kay Jiro dahil nararamdaman niyang hindi buo ang loob nitong magbago. Matapos daw ang lahat ng gastos niya na umabot na sa daang libo, ay nagawa pa rin siyang lok0hin ng anak-anakan.

Larawan mula sa Instagram post ni Ai-ai delas Alas

“So ‘yon iyung time na sinabi ko, wala na ito. Parang pakiramdam ko lahat ng binuhos kong effort, tulong, pangaral, suporta sa pamilya, parang natapon na lang nang ganun. Ang dating sa akin, napagod na ako. Nawalan na ako ng pag-asa…” sabi ng comedy queen.

Gayunman, kahit hindi naging maayos ang relasyon nina Ai-ai at Jiro, sinabi ng komedyante na ipagpatuloy na ipanalangin ng kanyang fans ang dating child actor upang mapagtanto nito ang mga kamaliang ginagawa niya.