Adobo, sisig, turon, Bicol express, at marami pang Pinoy food, inihahain sa isang resto sa 300-anyos na hotel sa Austria




Larawan mula sa Pixabay at YouTube
  • Bida ang mga pagkaing Pinoy sa isang restaurant sa Vienna, Austria
  • Matatagpuan ang resto sa isang 300-anyos na hotel sa nasabing bansa
  • Pag-aari kasi ito ng mag-inang Pinoy na naghahain ng sisig, adobo, bistek, turon, at marami pang iba

Maipagmamalaki ng mga Pilipino ang iba’t ibang pagkaing bahagi ng ating kultura. Sa katunayan, marami na ngang pagkaing Pinoy ang kinilala ng mga gawad-parangal at mga personalidad sa maraming bansa sa daigdig. Kabilang sa mga ito ang lechon mula sa Cebu na tinawag pang  best pig dish in the world ng renowned chef na si Anthony Bourdain.

Ngayon naman, maraming pagkaing Pilipino ang matitikman ng ibang lahi dahil sa isang sikat na atraksyon sa Vienna, Austria — isang kainan na naghahanda ng mga Pinoy favorites na tinatangkilik na ngayon ng mga residente ng nabanggit na bansa at ng mga dayuhan na rin.

Larawan mula sa Hotel am Brillantengrund IG account

Matatagpuan sa 300-anyos na Hotel am Brillantengrund sa 7th district ng Vienna ang The Breakfast and Brunch Restaurant na naghahain ng Filipino classic dishes tulad ng sisig, Bicol express, sinigang, at adobo. Pag-aari kasi ito ng isang Filipino-Austrian entrepreneur na si Marvin Mangilong.

Katuwang niya ang kanyang ina na si Precy, 71, sa pagpapatakbo ng nasabing all-day breakfast resto. Abala rin daw si Nanay Precy sa pagluluto at pagsisiguro na masarap at Pinoy na Pinoy ang lasa ng kanilang mga inihahaing putahe.

Kabilang sa kanilang ibinebenta ay ang klasikong almusal slash meryenda dishes na arroz caldo at pancit Malabon. Mayroon din silang mga ulam tulad ng bistek Tagalog, sisig bangus, monggo guisado, lumpia, tokwa, at avocado-mango salad.

Siyempre, hindi makukompleto ang Filipino dining experience ng kanilang mga parokyano kung wala ang mga tatak-Pinoy na panghimagas tulad ng inuming sago’t gulaman, ube cheesecake, cassava cake, at brownies.

Larawan mula sa Hotel am Brillantengrund IG account

Maganda rin ang feedback ng kanilang mga customers sa inihahain nilang pagkain. Mayroon din kasi silang mga vegetarian at vegan-friendly dishes kaya naman maraming pagpipilian ang mga kakain sa nasabing restaurant.

Ayon pa kay Mangilong, hindi naman daw mahirap ipakilala ang mga lutuing Pilipino dahil sa dami ng impluwensiya ng mga tradisyonal nating lutuin. Marami daw kasing Pinoy recipe na hango sa American, Spanish, Chinese, at Mexican dishes.