Simple act of kindness: Batang tinulungang magsintas ang kaniyang kaibigan, hinangaan ng mga netizens




Larawan mula sa Facebook post ni Sheena Jeon
  • Maraming netizens ang natutuwa ngayon sa samahan ng dalawang estudyante
  • Tinulungan kasi ng isang mag-aaral ang kanyang kaibigan na magsintas ng sapatos nito pagkat hindi raw makayuko
  • Natuwa naman ang nanay ng bata na siya ring nag-upload ng mga larawan nila sa social media

Sabi nila, walang katulad raw ang samahan ng mga bata. Mabilis silang makabuo ng pagkakaibigan sa iba. Madaling magkasundo sa mga bagay. At kung may alitan man, madali rin silang magpatawad. Ito ang mga dahilan kung bakit masasabing mas payapa at maganda ang samahan ng mga magkakaibigang nabuo noong pagkabata.

Ito ang pinatutunayan ng isang post ngayon sa Facebook kung saan makikita ang larawan ng magkaeskuwela at magkaibigan na nagtutulungan. Simpleng pagpapakita lamang iyon ng pagtulong, ngunit maraming netizens ang humanga sa uri ng samahan ng dalawang bata.

Larawan mula sa Facebook post ni Sheena Jeon

Ayon sa inang si Sheena Jeon, nakita niya raw sa eskwelahan ang anak na si Roem na nakayuko. Akala niya ay may kung anong ginagawa rito. Tinanong niya ang anak kung bakit ito nakayuko at ipinaliwanag ng anak na tinutulungan lamang niya ang kamag-aral niyang si DJ magsintas ng sapatos nito dahil nahihirapan daw itong yumuko.

Proud na proud naman ang ina sa kagandahang-loob ng kanyang anak kaya naman naisipan niyang ibahagi ito sa kanyang Facebook account upang makapagbigay din ng inspirasyon sa ibang mga kabataan at maghatid na rin ng good vibes sa iba pang mga netizens.

Hindi naman nabigo ang ina dahil maraming netizens din ang natuwa at humanga sa uri ng pagkakaibigan mayroon ang dalawang mag-aaral. Umabot lang naman sa higit 80,000 reactions at 31,000 shares ang kanyang post.

Sabi ng mga netizens, kahanga-hanga raw ang kabaitan ni Roem dahil sa pagmamalasakit nito sa kanyang kaibigan. Hiling nila, sana raw lahat ng kabataan ay katulad nila at madala hanggang sa kanilang pagtanda.

Larawan mula sa Facebook post ni Sheena Jeon

Sabi pa ng nanay ni Roem, hindi naman talaga kaklase ng anak niya ang batang si DJ. Sa isang eskwelahan lang daw nag-aaral ang dalawa at doon naging magkaibigan. Likas daw talagang matulungin at mabait ang kanyang anak.

Nagpasalamat din si Sheena sa mga netizens na nagpapaabot ng kanilang paghanga sa kanyang anak at sa mga patuloy na nagbabahagi ng kanyang post. Nagbiro pa ang ina na sana raw ay maging pera ang likes at shares ng post para daw may pamasko na sila.