Siblings rivalry? Alessandra at Assunta de Rossi, nagpatalbugan sa larong jackstone




Larawan mula sa Instagram account ni Alessandra de Rossi at Flickr
  • Ibinahagi ni Alessandra de Rossi ang bonding nila ng kanyang ate Assunta
  • Naglaro sila ng paborito nilang laro na jackstone noong kabataan 
  • Maraming netizens naman ang natuwa sa kasimplehan ng magkapatid

Isa sa may pinakamakulay na karera sa showbiz ay ang magkapatid na Assunta at Alessandra de Rossi. Napagdaanan nila bilang mga artista ang kasikatan, panahon ng kontrobersya, at maging ang pagkilala sa kanilang husay bilang mga aktres. Hinangaan din ng marami ang magandang relasyon nilang magkapatid na nananatiling matatag anuman ang pagdaanan sa industriya.

Nagpapatuloy hanggang sa kasalukuyan ang magandang ugnayan ng dalawa. Sa katunayan, maraming netizens ang natuwa sa larawang ibinahagi ni Alessandra sa kanyang Instagram account kung saan makikitang ‘magkatunggali’ ang magkapatid; hindi sa isang proyekto, kundi sa isang paboritong laro na jackstone noong kabataan nila.

Larawan mula sa Instagram account ni Alessandra de Rossi

Kinalimutan muna nina Alessandra at Assunta ang kinang ng kanilang mga bituin at sandaling binalikan ang kanilang masasayang alaala bilang mga bata at naglaro ng jackstone. Makikita sa larawan na masayang naglalaro ang magkapatid habang nakasalampak sa sahig at nagpapagalingan ng exhibition sa jackstone.

Sabi ni Alessandra, sa paglalaro nila ng kanyang ate Assunta ay nanumbalik ang kanilang masasayang panahon noong bata. Kahit daw nakalimutan niya ang mga exhibition ng popular na laro ng mga batang babae noon, ay wala pa ring makatatalo sa sayang dala ng kanilang simpleng bonding.

“Akala ko grade 4 lang ako ulit! Nakalimutan ko mga jackstone exhibition! Fun times,” sabi ni Alessandra sa kanyang post na mayroon nang halos 14,000 likes sa loob ng dalawang araw lamang.

Larawan mula sa Flickr

Napakomento ang mga fans ng dalawa sa larawan ni Alessandra. Ayon sa kanila, nakatutuwang makita silang magkapatid na simple pa rin hanggang ngayon at nakukuhang aliwin ang sarili sa mga payak na bagay. May mga netizens naman na na-miss ding maglaro ng jackstone kaya kanya-kanya silang tag sa kanilang mga kapatid upang ayain din ang mga ito na maglaro.

Maging ang leading man ni Alessandra at mabuting kaibigan na si Empoy Marquez ay hindi napigilang pusuan ang bonding moment ng magkapatid na de Rossi.

Ibinahagi rin ni Assunta sa kanyang IG account ang larawan nilang magkapatid. May nagtanong kung sino ba sa kanilang dalawa ang nanalo. Ayon kay Assunta, siya raw ang nagwagi. Sumagot naman si Alessandra na ‘lugi’ daw siya sa galing maglaro ng kanyang ate.