Sapatos ni Chris Ross na isang customized Jordan 12s, trending sa social media dahil sa makabayan nitong disenyo




Larawan mula sa Instagram account na Styleyourkicks at Slam Philippines
  • Trending ang sapatos na ginamit ni Chris Ross sa opening game ng Gilas Pilipinas sa SEA Games
  • Customized kasi ang disenyo nito na makabayan ang tema
  • Pinabilib din niya ang mga manonood sa kanyang performance kontra Singapore kahit wala siyang score

Marami ang nag-abang sa pagsabak ng Gilas Pilipinas sa men’s basketball tournament para sa Southeast Asian (SEA) Games. Nais matunghayan ng mga Pilipino kung paano idedepensa ng ating national team ang gintong medalya sa nasabing sporting event.

Hindi naman binigo ng Gilas ang kanilang fans dahil sa pagbubukas ng torneyo, nakuha nila ang unang panalo kontra sa bansang Singapore sa iskor na 110-58. Ngunit maliban sa kanilang 52 puntos na kalamangan, isa rin sa nag-trending sa social media ang player na si Chris Ross.

Larawan mula sa Instagram account na Styleyourkicks

Marami kasi ang nakapansin sa kanyang customized na sapatos na ginamit niya kontra Singapore. Ayon sa sikat na nagko-customize ng mga basketball shoes na si JhayR Antoc o mas kilala sa Instagram bilang Style Your Kicks, siya raw ang nag-customize ng sapatos ni Ross.

Isa raw itong Jordan 12s na idinesenyo mismo ni Ross upang magkaroon ng pagka-Pilipino sa hitsura ng sapatos. Ayon sa isang pahayag sa SPIN.Ph, isa raw siya sa mga unang bumati kay Ross nang mapasama ito sa Gilas pool para sa SEA Games. At dito raw ipinahayag ng San Miguel Beermen point guard na nais niyang magpa-customize ng sapatos.

Noong ikalawa raw ng Nobyembre ay ibinigay sa kanya ni Ross ang kanyang sapatos kasama ang mga detalye at disenyong ilalagay rito. Sabi ni Antoc, siya lamang daw ang naglagay ng disenyo ngunit ideya iyong lahat ni Ross.

Larawan mula sa Slam Philippines

Agad namang pinag-usapan ng basketball fans ang sapatos ni Ross at nag-trending pa social media. Marami ang nagandahan sa disenyo nitong may kulay ng bandila ng Pilipinas at naroon pa ang araw sa watawat. May nakasulat ding “Laban Pilipinas, Pus0” sapatos na motto ng Gilas Pilipinas.

Bukod sa kanyang sapatos, naging matunog din ang pangalan ni Ross dahil sa kanyang naging laro laban sa Singapore. Wala mang score si Ross, nahirapan naman sa kanyang depensa ang Singaporean superstar na si Wong Wei Long na nakapagtala lang ng six points. Nakapagtala rin ang Gilas Pilipinas point/shooting guard ng 10 assists, one steal, at isang block.

Source :

SPIN, Inquirer