Saan nga ba nagmula ang pangalan ng lungsod ng “Muntinlupa”?




Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines/Public Domain Image
  • Ibinahagi ng isang netizen ang pinagmulan ng pangalan ng lungsod ng Muntinlupa
  • Nagmula umano ito sa “monte ng lupa” noong panahon ng mga Espanyol
  • Tinatawag na “Emerald City of the Philippines” ang Muntinlupa

Isa sa mga lungsod sa Kalakhang Maynila na may nakatutuwang kuwento hinggil sa pinagmulan ng pangalan o origin ang Muntinlupa na tinatawag na “Emerald City of the Philippines” at “Gateway to the Calabarzon Area.” Matatagpuan ito sa katimugang bahagi ng Maynila.

Isang netizen na nagngangalang “Tom Ong” ang nagbahagi ng isa sa mga tatlong bersyon ng kuwento ng pinagmulan ng pangalan ng Muntinlupa, sa Facebook page na “Nostalgia Philippines”.

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Ayon sa kaniyang Facebook post, nagmula ang pangalan ng lungsod sa “monte sa lupa” o manipis na bulubunduking lupa.

“Ang Muntinlupa ay sinasabing monte sa lupa. Noong 1580 ay nagtatanong ang mga Espanyol kung ano ang lugar na ito at ang laging sagot ay monte sa lupa. Ang monte sa lupa ay thin mountain topsoil o manipis na lupang bulubundukin. Dahil wala namang pangalan ang lugar kaya monte sa lupa ang sagot nila. Nakagisnan ng Espanyol na bigkasing muntinlupa ang monte sa lupa.”

Dagdag pa niya: “Noong 1800 ay tinawag itong Poblacion o La Poblacion Que Sigue Se Llama Muntinlupa ng paring Kastilang si Father Joaquin de Zuniga. Si Father Joaquin de Zuniga ang pormal na nagpangalan sa lugar na Muntinlupa.”

Pinatunayan naman ito sa Facebook page na “History of Muntinlupa” ng Muntinlupa National High School. Ang dalawa pa sa mga bersyon ng kuwento ay nagmula ito sa literal na “munting lupa”. Ang pangalawa, marami raw kasing mga bur0l at mga lupain sa lugar na iyon.

Nakapalibot sa Muntinlupa ang iba pang mga lungsod sa Maynila at karatig bayan nito gaya ng Taguig, Parañaque at Las Piñas sa hilagang bahagi, ang mga bayan naman ng Bacoor, Cavite at San Pedro, Laguna sa timog at ang Lawa ng Bay sa silangan. Hinahati ng South Luzon Expressway (SLEx) ang lungsod sa mga bahaging kanluran at silangan.

Public Domain Image

Tanyag ang Muntinlupa bilang lungsod kung saan matatagpuan ang “National Bilibid Prison”. Nariyan din ang pinakamaliit na lawa ng bansa na “Lawa ng Jamboree”, at ang Japanese Garden Cemetery kung saan nakahimlay ang punong hukbo ng mga Hapon na si Tomoyuki Yamashita, ang heneral na sinasabing nagbaon ng mga kayamanan niya sa iba’t ibang panig ng bansa, na hanggang ngayon ay patuloy pa ring hinahanap.