Realisasyon ng netizen nang makita ang garbage collector na pagod sa kanyang trabaho: “Bakit sila pa ang mababa ang sweldo?”




Larawan mula sa Facebook post ni Mc Nhasty
  • Isang netizen ang napukaw ang kaisipan nang makita ang isang kolektor ng basura
  • Ayon sa kanya, sana raw ay mataas din ang sahod ng mga ito dahil mahalaga ang papel nila sa lipunan
  • Sumang-ayon naman ang maraming netizens sa post na ito at nagkaroon ng maraming reactions at shares

Bahagi na ng ating buhay ang pagtatrabaho. Sa ganitong paraan ay naibibigay natin ang pangangailangan ng ating sarili at ng ating pamilya. Kahit minsan ay napapagod tayo, tuloy pa rin sa pagkayod upang kahit papaano ay maiparamdam ang maginhawang pamumuhay sa ating mga minamahal.

Pero isang mapait na katotohanan ang laman ng post ng isang netizen. Nang makita niya kasi ang isang kolektor ng basura na nakatulog na sa likod ng garbage truck, naisip niya ang hirap ng trabaho nito sa kabila ng maliit na sahod na nakukuha ng mga simpleng trabahador lamang.

Larawan mula sa Facebook post ni Mc Nhasty

Sa post ng netizen na si Mc Nhasty, makikita ang isang lalaking garbage collector na nakasakay sa likurang bahagi ng truck at umiidlip habang papunta sa susunod nilang hahakutan ng basura. Kasabay ng pag-post ng larawan ay ang paglalabas ng damdamin ng netizen tungkol sa sistema ng pagpapasahod sa bansa.

Ayon sa kanya, kung sino pa raw ang mabibigat ang trabaho katulad ng garbage collector, ay sila ang mababang sahod at karaniwang nakatatanggap pa ng diskriminasyon. Hiling pa niya, sana’y mapansin ng mga nasa pamahalaan ang ganitong mga uri ng manggagawa upang matapatan naman ng tamang sahod ang kanilang sakripisyo.

“Di ko alam kung bakit ganoon yung sistema eh. Kung sino pa yung mabibigat yung trabaho like garbage collector ay sila pa yung mababa ang sinusweldo at minsa’y lalamangan pa ng mga tituladong tao… Sana naman po ay mapansin tayo ng mga nakapwesto,” panawagan ni Mc Nhasty sa kanyang post.

Larawan mula sa Facebook post ni Mc Nhasty

Marami naman ang naka-relate sa post na ito ng netizen at umani na ng 13,000 reactions at 18,000 shares ang kanyang opinyon at larawan ng garbage collector. Ayon sa mga netizens, ang mga ganitong uri ng manggagawa ay maituturing na ring bayani ng bansa.

Mayroong mga social media users din na nagsabi na mayroong mga bansa na mataas ang pasahod sa mga garbage collector. Patunay daw ito na kinikilala ng kanilang pamahalaan ang kahalagahan ng mga ito at ng kanilang trabaho.

“Tama kasi sa ibang bansa ang mga kolektor ng basura ang mas malaki at maraming benepisyo ang nakukuha sa gobyerno,” komento ng isang netizen.