Pinagmulan ng pangalan ng “Kalye Pitong Gatang” sa Tondo, Maynila, alamat o kasaysayan?




Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines/Public Domain Image
  • Kinagiliwan ng netizens ang “Alamat ng Kalye Pitong Gatang”
  • Nagmula umano ito sa mandirigmang si Pitongatang
  • Siya ay isa sa mga bayani umano ng Tondo

Bahagi ng panitikang Filipino ang mga alamat o kuwento ukol sa pinagmulan ng mga bagay, hayop, pook, pangyayari, o maging pangalan na umiiral noon hanggang ngayon. Umusbong ang mga alamat bago pa man ang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas o panahon ng mga katutubo, patunay na sadyang malikhain at matalino ang ating mga ninuno.

Isa sa mga paboritong paksa ng mga alamat ang pinagmulan ng mga pangalan ng mga bayan o lugar sa Pilipinas. Kaya naman, kinagiliwan ng netizens ang ibinahaging alamat ng pinagmulan ng pangalan ng “Kalye Pitong Gatang” sa Tondo, Maynila.

Makikita sa Facebook post ng netizen na si “Tom Ong” sa Facebook page na “Nostalgia Philippines” ang larawan umano ng pangunahing tauhang si “Pitongatang” na isa sa mga dugong bughaw noong unang panahon. Isa siyang malakas at matapang na mandirigma at pinuno.

Imahe mula sa Facebook page na Nostalgia Philippines

Pinamunuan umano ni Pitongatang ang pag–aaklas laban sa mga Espanyol noong 1587 sa Tondo. Naitaboy niya ang mga Espanyol palabas ng Tondo patungong Intramuros. Ngunit noong 1588 ay nadakip umano siya ng mga kalaban. Dinala siya sa Mexico at doon kinitlan ng hininga.

Paglipas daw ng panahon, ipinangalan kay Pitongatang ang isa sa mga kalye sa Tondo. Tinawag umano itong “Calle Pitongatang”. Ang pangalan ni Pitongatang ay ipinaghiwalay at ginawang “Pitong Gatang.”

Nagbigay naman ng reaksyon dito ang mga netizens.

“Thank you Mr. Tom Ong sa mga dagdag–kaalaman.”

“Wow… who would have thought, iyon pala yung nabanggit sa kanta… Thanks for the info. Sana maibahagi rin ang pinagmulan ng iba pang pangalan ng mga kalye sa Maynila at iba pang lugar.”

“Very informative. More story pa po regarding sa mga bayani ng Tondo like Magat Salamat or Pepeng Hapon.”

Tinatawag na “etimolohiya” ang pag–aaral sa pinagmulan, pinag–ugatan o origin ng isang salita. Matatandaang noong 1958 ay sumulat ang mahusay na kompositor na si Levi Celerio ng awit na “Pitong Gatang” na inawit naman ni Fred Panopio, at naging theme song at titulo ng isa sa mga pelikula ni Fernando Poe, Jr. o FPJ.

Public Domain Image