Parking lot nilagyan ng mga kama ng isang charity upang matulugan ng mga walang tahanan tuwing gabi




Larawan mula Instagram account ng Beddown
  • Isang charity sa Australia ang nakaisip ng proyekto na gawing komportableng tulugan ang mga parking lot
  • Inilunsad ng Beddown ang proyektong ito upang bigyan ng matutuluyan sa gabi ang mga tao sa lansangan
  • Batid ng grupo ang kahalagahan ng kompleto at maayos na tulog kahit pa sa mga taong naninirahan sa lansangan

Nakalulungkot mang isipin ngunit bahagi na ng ating komunidad ang mga taong walang maayos na tahanan. Dahil walang masisilungan, pinipili ng ilan na manirahan na lamang sa gilid ng kalsada at mga lugar kung saan may masisilungan sila tuwing gabi at kapag umuulan.

Ang ganitong suliranin ay hindi lamang sa Pilipinas makikita. Maging sa bansang Australia ay mga mga taong walang maayos na tirahan. Ito ang naging dahilan upang isulong ng charity na Beddown ang isang proyekto na ginagawang komportableng tuluyan ang ilang parking lot sa kanilang bansa.

Larawan mula Instagram account ng Beddown

Inilunsad ng Beddown, sa pangunguna ng founder nito na si Norman McGillivray, ang proyekto ng pagsasaayos ng mga bakanteng lugar tulad ng mga parking lot at lagyan ng mga kama upang matuluyan ng mga nasa lansangan tuwing gabi.

Naisipan daw ni McGillivray ang proyektong ito nang minsang mapadaan siya sa isang bakanteng parking lot isang gabi. Nagplano raw sila ng kanilang staff kung paano gagawing komportableng tuluyan ang mga parking lot.

Kinausap daw nila ang isa sa mga malalaking car park operators sa Australia na Secure Parking at doon ginawa ang dalawang linggong dry run ng kanilang proyekto. Marami ding mga propesyonal ang nagbigay ng donasyon upang maging matagumpay ang proyekto.

Naglagay ang Beddown ng mga kama na may magandang kalidad at may comforters pa upang masigurong magiging maganda ang pagtulog at pagpapahinga ng mga tutuloy. At sa trial ng proyekto, 41 na guests daw ang tumuloy sa parking lot na ngayon ay isang komportableng tuluyan na.

Nagkaroon din sila ng survey sa mga tumuloy at sinabi ng mga ito na ligtas ang kanilang pakiramdam sa proyekto ng Beddown. Kinakailangan pa nga nilang tanggihan ang siyam na katao dahil hindi kayang i-accommodate ng mga nakalagay na kama sa parking.

Larawan mula Instagram account ng Beddown

Batid ng Beddown ang mga banta sa kalusugan ng hindi maayos na pagtulog, kahit pa sa mga taong nakatira sa lansangan. Nagiging sanhi umano ng iba’t ibang mga karamdaman ang kakulangan sa tulog kaya naman malaking ginhawa para sa mga homeless sa Australia ang proyekto.

Sa kanilang Facebook page, nagpasalamat naman ang Beddown sa mga news sites na nagtampok ng kanilang proyekto. Dahil daw dito, mas maraming naabot ang kanilang programa at nakatatanggap na ng maraming donasyon.