Nostalgia: Isa ka ba sa mga tumitigil ang mundo kapag nilabas na ng guro ang index cards?




Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila/Public Domain Image
  • Sinariwa ng netizens ang mga nakakakabang sandali kapag hawak ng guro ang mga index cards na may pangalan at 1×1 na larawan nila
  • Ginagamit ng mga guro at propesor ang index cards na ito sa pagtatawag ng mga mag-aaral na sasagot sa recitation
  • Nagbahagi ng kani-kanilang mga karanasan kaugnay nito ang  netizens

Isa sa mga kinatatakutan ng mga mag–aaral ay ang biglaang recitation o pagsagot sa tanong ng guro o propesor sa klase. Mapapansin ang mga mag–aaral na kabado at biglang yuyuko o kaya nama’y kunwaring magbabasa ng aklat o kuwaderno upang maghagilap ng sagot.

Isa sa mga paraan ng mga guro o propesor upang matawag ang lahat ng kaniyang mga mag-aaral ay ang pagkakaroon ng index card. Ginagamit ito ng mga guro sa tuwing may talakayan sa klase. Isang netizen na nagngangalang Arabya Zurcalev Delasherras ang nagbahagi ng isang larawan ng pilit iniiwasan dahil kinatatakutan ng mga mag–aaral: ang mga index cards na nagsisilbing palabunutan.

Imahe mula sa Facebook page na Memories of Old Manila

“Kakaba-kaba ang mga estudyante pag hawak na ng professor ang mga class cards na ganito,” sabi ng isa. Marami pang mga netizens ang naka-relate dito. “Naranasan ko ‘yan. Ang prof malaking lalaki pa naman tapos ang laki ng boses. Babalasahin ang class cards saka bubunot. Hay super nerbiyos, sa PolSci pa na subject,” pagbabahagi ng isa.

Ang isa pang netizen, sinabing tumitigil ang mundo niya tuwing hawak na ng propesor ang index cards. “Naalala ko bigla yung isang prof namin. Ganyan din tapos kabado na kami kapag binalasa yung mga index cards tapos pagpapawisan na nang malamig na parang madudumi ka sa kaba at pressure,” dagdag ng isang Facebook user.

Biro naman ng isa, “Ako naman swerte sa raffle, pero hindi naman natatawag sa ganyang recitation.”

Mahalaga ang pakikiisa sa talakayan sa klase sapagkat dito nalalaman ang kagyat na husay ng isang mag-aaral. Sa mga asignaturang nangangailangan ng kasanayang sa pagsasalita gaya ng English at Filipino, malaking bahagdan ng grado ng mga mag-aaral ay nagmumula sa resitasyon na nasa ilalim ng “performance task” o gawaing pagganap.

Public Domain Image

Kabado ka rin ba tuwing babalasahin ng guro ang mga index card para sa recitation?

Source :

Facebook