Munting reunion: Princess Sarah Camille Prats at Miss Minchin Jean Garcia, muling nagsama sa telebisyon




Larawan mula sa Instagram account ni Jean Garcia at TFC
  • Nag-reunion ang Princess Sarah: Ang Munting Prinsesa stars na sina Camille Prats at Jean Garcia
  • Nag-guest si Jean sa talk show ni Camille na Mars Pa More upang mag-promote ng kanyang pelikula
  • Nagka-eksena ang dalawa sa segment ng talk show na Mashadow na nostalgic para sa kanilang fans

Tumatak sa mga batang 90s ang remake ng Japanese animation series na Princess Sarah: Ang Munting Prinsesa. Noong 1995, napanood sa mga sinehan ang Pinoy adaptation ng serye na ginampanan ni Camille Prats. Naging kontrabida naman sa kanya ang kanyang guro na si Miss Minchin na ginampanan naman ni Jean Garcia.

At matapos ang 24 taon, muling nagsama ang dalawa at sandali pang nagkaeksena sa GMA morning talk show na Mars Pa More. Nag-guest si Jean sa talk show kung saan host si Camille upang mag-promote ng kanyang bagong pelikula at dito ay sinariwa nila ang kanilang pagsasama sa 1995 blockbuster movie.

Larawan mula sa Instagram account ni Jean Garcia

Sa kanyang Instagram account, nag-post si Jean ng mga larawan nila ni Camille na isinasadulang muli ang kanilang naging tapatan sa pelikulang Princess Sarah. Ayon kay Jean, masaya siyang muling makita si Camille na ngayon ay isa na niyang mabuting kaibigan.

Sa segment naman ng Mars Pa More na ‘Mashadow’ kung saan iniaarte nila ang kanilang blind item, ay nagka-eksenang muli kahit saglit lang ang dalawang iconic actresses. Isinadula nila ang pagtataray umano ng isang beteranang aktres sa isang fan na gustong magpa-picture dito. Siyempre, si Jean ang gumanap na mataray na aktres habang si Camille naman ang tinarayang fan.

Maraming fans nila ang natuwa sa kanilang munting reunion. Kanya-kanyang komento ang mga fans nina Camille at Jean, lalo na ng pelikulang Princess Sarah, sa ibinahaging larawan ni Jean. Ayon sa kanila, nakaka-miss daw ang pelikula nilang dalawa na kinapulutan nila ng aral.

Ang ibang netizens naman ay napansin ang angking kagandahan ng dalawang aktres. Sabi pa nga ng isa, napakaganda raw ni Jean at parang halos magkaedad na raw sila ngayon ni Camille na noon ay batang-bata pa nang gawin nila ang pelikula.

Larawan mula sa TFC Facebook account

Isang malaking produksiyon ang Princess Sarah movie adaptation sa pangunguna ng Star Cinema. Kinuhanan pa ang mga eksena ng serye sa Scottland at Baguio City upang maging angkop sa tagpuan ng original story ni Princess Sarah.

Sa kasalukuyan, parehong proud Kapuso network talents sina Jean at Camille. Gayunman, kahit nasa iisang istasyon ay bibihira silang magkasama sa mga proyekto. Kaya naman hiling ng fans, sana ay mapanood silang dalawa sa isang serye.