Mark Pingris kay June Mar Fajardo: “Buhatin mo ang Pilipinas sa basketball, bubuhatin kita sa DOTA”




Larawan mula sa Instagram account ni June Mar Fajardo
  • Maraming netizens ang natuwa sa uri ng samahang mayroon sina June Mar Fajardo at Mark Pingris
  • May dala kasing banner si Mark nang manood ng laro nina June Mar kontra Indonesia
  • Ayon kay Mark, buhatin daw ni June Mar ang Pilipinas sa basketball habang siya naman ang bubuhat kay June Mar sa DOTA

Maliban sa pagkaaliw ng mga Pilipino sa patuloy na pangunguna ng Philippine team sa Men’s Division ng basketball sa Southeast Asian (SEA) Games, maraming netizen din ang na-good vibes sa paandar ng isang dating Gilas player na si Mark Pingris.

Sa laban kasi ng Pilipinas kontra Indonesia, nagbigay ng suporta sa dating koponan at nanood nang live si Mark habang dala ang agaw-pansin niyang banner para sa kasamahan at kaibigang si June Mar Fajardo. Ayon kay Mark, si June Mar na raw ang bahalang bumuhat sa Pilipinas pagdating sa basketball habang siya naman  ang bubuhat kay June Mar pagdating sa computer game na Defense of the Ancient (DOTA).

Larawan mula sa Instagram account ni June Mar Fajardo

“Go Pilipinas! Junemar, ikaw na bahala bumuhat sa Pilipinas! Ako na ang bahalang bumuhat sa iyo sa DOTA. Pabigat ka kasi. #PUS0,” sabi ng banner na dala ni Mark katabi ang dati nilang coach sa Gilas na si Chot Reyes.

Mukhang natuwa naman si June Mar sa mensahe sa kanya ng kapuwa DOTA boy na si Mark. Sa katunayan, ibinahagi pa nga ng five-time PBA most valuable player ang larawan ni Mark dala ang banner. Nakipag-selfie pa siya kay Mark habang dala nito ang banner matapos ang laro nila sa Indonesia.

Nagpasalamat pa si June Mar at nilinaw sa kanyang mga followers na siya raw ang nagbubuhat kay Pingris sa larong DOTA, taliwas sa nakalagay sa banner. Nagbiro pa ang San Miguel Beermen center na sa susunod ay sasali naman sila ni Mark hindi sa basketball kung hindi sa e-sports division kung saan may DOTA tournament.

Larawan mula sa Instagram account ni June Mar Fajardo

“Salamat tol sa suporta! The best ka! Ako yung tagabuhat mo eh. Sali tayo sa e-sports next time. #DOTABoys #WeWinAsOne,” sabi ni June Mar sa kaniyang Instagram post na umabot na sa halos 16,000 ang likes.

Naging bonding daw nina June Mar at Mark ang paglalaro ng DOTA nang maging teammates sila sa Gilas. Kahit sa magkaibang koponan naglalaro ay naging mabuting magkaibigan ang dalawang PBA champions.