Malnutrisyon, dahilan sa mababang performance ng mga kabataang Pilipino sa ‘reading, math, at science’




Imahe mula sa Pixabay
  • Maraming Pilipino ang nadismaya sa naging resulta ng 2018 Program for International Student Assessment (PISA)
  • Lumabas kasi sa resulta nito ang pagiging kulelat ng Pilipinas sa reading, mathematics, at science performances ng kabataang Pilipino
  • Isa sa mga pangunahing dahilan sa mababang performance standard na ito ay ang kawalan ng sapat na nutrisyon ng mga batang Pilipino

Para kay Department of Health Secretary Francisco Duque III, ang mababang nutrisyon na nakukuha ng mga batang Pilipino ang pangunahing dahilan kung bakit pinakamababa ang Pilipinas sa reading literacy at pangalawa sa pinakamababa naman sa mathematical at scientific literacy.

Paliwanag ni Duque, sa simula pa lamang ay mahalaga na pagtuunan ng pansin ng mga magulang ang kalusugan ng kanilang mga anak.

Imahe mula sa Pixabay

Dahil kung ‘undeveloped’ o ‘poorly developed’ ang isipan ng mga bata, mas malaki ang posibilidad na magiging mahina rin ang mga bata sa larangan ng pagbasa, matematika, siyensiya, at iba pang aralin.

Napakahalaga kasi ng wastong nutrisyon sa paglinang sa kakayahang mag-isip ng isang bata. Kahit maraming kinakain sa araw-araw na pamumuhay ang isang bata ngunit hindi naman tama at sapat ang nutrisyong nakukuha mula sa pagkain ay balewale ito.

Ayon sa paliwanag ng United Nations Children’s Fund, ang mga pagkaing walang gaanong nutrisyon na nakokonsumo ng mga bata ay dahil na rin sa pagiging mura at accessible ng mga ito.

Dahil dito, lumalabas na isa sa tatlong batang Pilipino na may edad lima pababa ay pandak o mas maliit pa sa inaasahang tangkad nito.

Dahil din sa kakulangan ng nutrisyon sa katawan, mas mabagal ang proseso sa paglinang ng mga kakayahan ng isang bata at ito ay may malaking implikasyon sa pagdadalaga o pagbibinata nito. Kasama na rito ang pagiging sakitin at ang mababang performance sa paaralan.

Imahe mula sa Pixabay

Samantala, binigyang-diin rin ni Duque na ang naging resulta ng PISA ay magsilbi sana umanong panawagan sa gobyerno upang seryosohin ang Republic Act No. 11148 o ang “Kalusugan at Nutrisyon ng Magnanay Act.”

Layunin ng panukalang-batas na ito na mabigyang-pansin at maitaguyod ang kalusugan ng isang babaeng nagdadalang-tao hanggang sa makapanganak at mabigyang-pansin ang kalusugan ng sanggol sa loob ng dalawang taon.

Source :

Inquirer, PISA