Level up: Simpleng noche buena ng isang pamilya noon, bonggang salusalo na ngayon sa malaki nilang bahay




Larawan mula sa Facebook post ni Jayvee Lazaro Badille II
  • Viral sa social media ang transformation ng noche buena ng isang pamilya
  • Mula kasi sa simpleng salusalo ay marami nang handa ang pamilya dahil sa kanilang pagsusumikap
  • Marangya na ang pamumuhay nila ngayon at nag-Pasko sa kanilang bagong bahay

Maraming pamilyang Pilipino ang pinaghahandaan ang noche buena o ang salusalo tuwing bisperas ng Pasko. Marami sa atin ay naghahanda ng mga espesyal na putahe na talaga namang pinagkagastusan. Habang mayroon namang iba na nagkakasya na lamang sa simpleng noche buena dahil sa kakapusan ng budget.

Gayunman, isang pamilya ang nagpatunay na ang kakapusan ng pera ay hindi habambuhay. Trending ngayon sa social media ang transformation ng noche buena ng isang pamilya dahil kung noon ay simple lamang ang handa nila, ngayon ay magarbo na ang naging pagdiriwang nila ng Pasko.

Larawan mula sa Facebook post ni Jayvee Lazaro Badille II

Inupload ng netizen na si Jayvee Lazaro Badille II sa kanyang Facebook account ang dalawang larawan na nagpapakita ng pagkakaiba ng kanilang noche buena, pitong taon ang lumipas. Sa larawang kuha noong 2012, makikitang maliit lamang ang lamesa nina Jayvee at spaghetti lamang ang kanilang handa. Kita rin sa larawan na payak pa noon ang kanilang bahay.

Sa ikalawang larawan naman ay kitang-kita ang mas maginhawang pamumuhay nina Jayvee. Napakarami ng handa sa kanilang malaking lamesa ngayon katulad ng cake, lechon, at iba’t ibang ulam. Iba na rin ang kanilang tahanan sa larawan na mas malaki at mas maganda na kompara sa kanilang dating bahay.

Agad na nag-viral sa Facebook ang larawang inupload ni Jayvee. Umani ito ng higit 65,000 reactions, 1,600 comments, at 30,000 shares. Maraming netizen ang na-inspire sa mga larawan ng pag-unlad ni Jayvee at sinabing nais nilang tularan ang ginawang pagsisikap niya na isa na ngayong matagumpay na branch manager ng isang sikat na insurance company.

Mas nakilala pa ng netizens ang pamilya ni Jayvee nang ibahagi niya ang isang video tungkol sa kahirapang dinanas nila noon. Galing daw sila sa isang maliit na bahay sa Bulacan na nirerentahan lamang nila. Madalas din daw na binabaha ang tahanan nilang iyon.

Larawan mula sa Facebook post ni Jayvee Lazaro Badille II

Inilahad rin ni Jayvee na inampon siya ng mga kinikilalang magulang ngayon. Kahit daw nagtitinda lamang ang kanyang adoptive mother at porter naman ang kinikilalang ama, hindi raw sila nagdalawang isip na kupkupin si Jayvee.

At ngayong mayroon na siyang magandang trabaho, sisigurihin niya raw na mabibigyan ang mga ito ng komportableng buhay. Sa katunayan, nag-upload pa si Jayvee ng larawan ng kanyang mga magulang na kuha sa ibang bansa.

Waging-wagi sa pakiramdam, ano? Nakai-inspire para sa lahat!