Kuwento ng pag-iibigan ng surfer na si Roger Casugay at ng banyagang kasintahan, muling nag-viral




Mga imahe mula sa Roger&Lisa Facebook page
  • Minsan na ring nag-viral ang mahusay na Filipino surfer na si Roger Casugay na kasalukuyang hinahangaan dahil sa pagsagip nito sa katunggaling Indonesian sa isang laban sa SEA Games
  • Noong Oktubre 2017 kasi ay nag-viral ang kaniyang mga larawan kasama ang banyagang kasintahan na sobra ang ka-sweetan sa isa’t isa
  • Makalipas ang dalawang taon, muling pumukaw sa pansin ng publiko ang kahanga-hangang kuwento ng pag-iibigan ng dalawa

Hindi ito ang unang pagkakataon na nag-viral ang mahusay na Filipino surfer na si Roger Casugay. Si Casugay ay labis na hinangaan ng publiko nang kaniyang tulungan ang kapuwa surfer at katunggali na isang Indonesian sa nakaraang laban nito sa SEA Games.

Imahe mula sa Roger&Lisa Facebook page

Noong 2017, nagviral na si Casugay nang ibahagi ng isang netizen ang mga larawan nito kasama ang isang banyagang dalaga na si Lisa Verwiej, isang Dutch national.

Sobrang sweet kasi ng dalawa na noon ay magkasintahan na. Marahil ang magkaibang lahi at itsura nina Casugay at Verweij ang pangunahing dahilan kung bakit agad na nag-viral ang kanilang mga larawan.

“May nanalo na.” Ito rin ang isa sa mga naging unang reaksiyon ng mga tao nang maisapubliko ang relasyon nina Casugay at Verweij, lalo na at naitampok sa isang segment ng Kapuso Mo, Jessica Sojo ang kuwento ng kanilang pag-iibigan.

Muli ring naungkat kung paano nagsimula ang kanilang magandang pagsasama. Dalawang taon na ang nakalilipas nang maiere sa telebisyon ang kanilang love story na pinamagatang “Ang Nobya Kong Foreigner.”

Ayon sa KMJS, nagkakilala ang dalawa nang magbakasyon sa La Union si Verweij kasama ang kaibigan nito. Si Verweij ay kasalukuyan noong nasa Cebu upang kompletuhin ang internship nito na may kaugnayan sa social services.

Nagpaturo ang dalaga kung paano mag-surf at doon na nagsimula ang lahat. Nagbalik man sa Netherlands si Verweij noong graduation nito ay nagpatuloy pa rin ang ugnayan ng dalawa.

Imahe mula sa Roger&Lisa Facebook page

May mga nanlait pa nga kay Casugay dahil hindi raw ito kaguwapuhan para sa magandang foreigner. Aminado rin naman daw ang binata na hindi nga siya kaguwapuhan ngunit bawing-bawi raw sa abs.

Inamin din ni Verweij na hindi man si Casugay ang kaniyang ideal man ay totoong nahulog na ang kaniyang kalooban sa binata kahit ilang araw pa lamang silang nagkakakilala.

“Malawak ang pagmamahal ko sa kaniya, parang dagat na ‘di mo masukat,” isa sa mga ibinahagi ni Casugay sa KMJS.

Si Verweij ay kasa-kasama ni Casugay sa iba’t ibang surfing competition na nilalahukan nito.

Source :

YouTube, DF, Buzzooks