Ginang na dalawang beses naghagis ng humidifier sa isang saleslady, dumepensa




Imahe mula sa Facebook video ni Marco Adrian Ador
  • Nagpahayag ng depensa ang ginang na naghagis ng humidifier sa isang saleslady
  • Ayon dito, una siyang pinahiya ng promodiser sa harap ng kaniyang anak kaya niya nagawa ang pananakit
  • Hawak na ng pulisya ang ginang simula noong Lunes, December 9

Umabot sa pisikalan ang ‘di pagkakaunawaan ng isang ginang at saleslady sa loob ng isang mall.

Imahe mula sa Facebook video | Marco Adrian Ador

Sa viral video na ibinahagi ni Marco Adrian Ador sa Facebook, kapansin-pansin ang maiinit na eksena sa loob ng isang mall sa Cebu noong araw ng Sabado, December 7.

Makikita rito ang pag-aamok ng isang ginang na may hawak na sanggol at ang dalawang beses nitong paghagis ng humidifier sa direksiyon ng noo’y nakatokang saleslady sa stall ng Mia Maison.

Nagkaroon ang dalawa ng ‘di pagkakaintindihan na siyang naging simula ng paghantong nito sa pisikalan.

Nakilala ang galit na customer bilang si Medelina Yamazaki, 33-anyos na Pinay na may asawang Hapon. Ang napagbalingan naman nito ng init ng ulo na promodiser ay kinilala bilang si Jennifer Fabillar, 26-anyos.

Depensa ni Yamazaki sa pulisya, una siyang ipinahiya ni Fabillar sa harap ng kaniyang anak kaya nito nagawa ang pananakit.

Ayon naman sa hepe ng Mabolo police station na si Police Major Dindo Juanito Alaras, sinabi umano ni Fabillar sa kaniyang testimonya na pinaalalahanan lang nito ang babae na kung masira ang humidifier ay kinakailangan itong bayaran ng customer.

Imahe mula sa Facebook video ni Marco Adrian Ador

Hawak na ng pulisya si Yamazaki simula noong Lunes, December 9.

Hinihintay na lamang umano nila ang susunod na gagawin ng ginang lalo pa’t tumanggi itong kumuha ng medical examination bago ito ipasok sa detention cell.