Gerald Anderson, napiling ambassador ng Philippine Youth Commission




Larawan mula sa Facebook page ni Gerald Anderson
  • Itinalaga si Gerald Anderson bilang Philippine Youth Commission ambassador
  • Masaya naman ang aktor sa panibagong bahagi ng kanyang karera, maliban sa pagiging aktor at atleta
  • Siya ang ikatlong celebrity youth ambassador ng PYC kasunod nina Rico Yan at Dingdong Dantes

Sa kabila ng mga nakaraang kontrobersiyang kinasangkutan ng aktor na si Gerald Anderson, ay pinatutunayan niyang kaya niya pa ring mamayagpag. Maliban sa kanyang paglalaro sa Maharlika Pilipinas Basketball League, panibagong papel ang gagampanan ni Gerald sa labas ng showbiz.

Siya ang itinalagang ambassador ng Philippine Youth Commission (PYC) kung saan siya ang mangunguna at magsisilbing modelo ng halos 900 Sangguniang Kabataan leaders sa buong Pilipinas. Ginawa ang pagpapangalan kay Gerald sa isang pagtitipon sa Grand Ballroom ng Venus Hotel sa Baguio.

Larawan mula sa Facebook page ni Gerald Anderson

Tinanggap ni Gerald ang isang malaking sertipiko na kumakatawan sa kanyang mga responsibilidad bilang youth ambassador. Pinangungunahan ang PYC ng Kabataang Sama-samang Maglilingkod (KASAMA) President na si Gerlad Ortiz kasama ang Union of Local Authority of the Philippines) President Dakila ‘Dax’ Chua. Kabilang din sa mga dumalo upang ibigay kay Gerald ang pagkilala ang KASAMA National adviser Nellie King at si Senador Imee Marcos.

Sa kanyang pagtanggap ng sertipiko ay nagbigay din ng kanyang talumpati ang Star Magic actor. Ayon sa  kanya, isa raw karangalan ang maging modelo ng kabataan at excited siya sa panibagong hamong ito sa kanyang karera.

Isa sa mga ibinahagi ng aktor ang kanyang naging karanasan nang manalasa ang bagy0ng Ondoy noong 2009. Ayon sa kanya, sa mga ganitong oras na kailangan ng bawat isa ng tulong ay kailangang kalimutan muna kung isa kang celebrity o isang sibilyan.

Sinabi ni Gerald na noong panahong iyon, hindi siya nagdalawang-isip na lumusong sa baha at magbigay ng tulong sa kanyang mga kapitbahay. Hindi naman daw niya intensiyong magpasikat noon ngunit kumalat na lamang sa social media ang kanyang pagtulong.

Larawan mula sa Facebook page ni Gerald Anderson

Pinasalamatan din ni Gerald ang kanyang inang si Mommy Vangie  na siya raw nagturo sa kanya ng kahalagahan ng pagtulong sa mga nangangailangan. Gagawin daw ng aktor ang kanyang makakaya upang maging mabuting lider sa mga kabataan.

Si Gerald ang ikatlong celebrity na kinuha ng PYC upang maging kanilang ambassador. Una nilang kinuha ang yumaong aktor na si Rico Yan at ang Kapuso primetime king na si Dingdong Dantes noong 2004.