DepEd, pinag-aaralan ang paggamit ng Ingles bilang medium sa pagtuturo sa mababang paaralan




Imahe mula sa Department of Education - Philippines | Facebook page
  • Pinag-aaralan ngayon ng DepEd ang paggamit ng Ingles bilang medium sa pagtuturo
  • Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, maraming mag-aaral na hirap sa pagbabasa ng Ingles kaya naman apektado rin ang kanilang performance sa Science at Math
  • Sa Pilipinas, nagsisimula ang paggamit ng wikang Ingles sa pagtuturo sa Grade 4, batay na rin sa nakasaad sa K-12 program

Tinitingnan ng Department of Education (DepEd) ang posibilidad na ipagamit ang wikang Ingles sa pagtuturo sa mas mababang paaralan.

Imahe mula sa Department of Education – Philippines | Facebook page

Matapos makatanggap ng Pilipinas ng pinakamababang marka sa reading comprehension sa naganap na Programme for International Student Assessment (PISA), nais bigyang-pansin ng DepEd ang mga problema na kinakaharap ng mga mag-aaral simula sa mababang paaralan.

Nais ng ahensiya na gamitin ang Ingles bilang midyum ng pagtuturo simula sa pinakamababang antas ng pag-aaral upang mas mapadali ang pagkaintindi ng mga mag-aaral sa wikang banyaga pagdating nila sa elementary at high school.

“It’s an ongoing debate. Others want to continue the ‘mother tongue’ policy while there are also those who say that we should start with English since English is the language of the rest of the world. So we are looking into this,” ani Education Secretary Leonor Briones sa kaniyang panayam sa ANC.

Dagdag nito, “It could be in English and also in the mother tongue because the mother tongue is very helpful to the child in adjusting to school, separation from the parents and the family.”

Ayon pa sa kaniya, maraming mag-aaral na hirap sa pagbabasa ng Ingles kaya naman apektado rin ang kanilang performance sa Science at Math.

Dito sa Pilipinas, sinisimulan ang pagtuturo gamit ang wikang Ingles sa Grade 4, batay na rin sa K-12 curriculum.

Imahe mula sa Department of Education – Philippines | Facebook page

Kaiba ito sa iba pang mga bansa sa Asya tulad ng Singapore na may mataas na marka sa reading comprehension na sinisumulan ang paggamit ng Ingles sa pag-aaral sa mababang paaralan pa lamang.