Choose your bill: Kakaibang ‘parlor game’ na ideya ng isang netizen, kinatuwaan sa social media




Larawan mula sa Facebook account ni Anna Pola
  • Kinatutuwaan ngayon sa social media ang isang kakaibang parlor game
  • Imbes kasi na premyo ang mabubunot ay mga utility bills ang bubulaga sa mga kasali
  • Maraming netizens ang nakakuha ng ideya sa mga ipapalaro nila sa kanilang mga Christmas party

Kabi-kabila na ang mga Christmas party sa bansa. Maliban sa mga raffle, performances, at masasarap na pagkain, isa sa mga inaabangan ng mga empleyado at estudyante ang mga parlor games na lalong nagpapasaya ng party. Mayroong mga klasikong laro tulad ng Trip to Jerusalem, calamansi relay, at paper dance na patok pa rin hanggang ngayon.

Ngunit para naman mabigyan ng bagong bihis ang mga Christmas party, ang ilan ay todo sa paghahanap ng mga exciting at kakaibang palaro para sa mga empleyado. Ang ilan ang nagva-viral pa sa social media. Pero isang ‘parlor game’ ngayon ang kinaaaliwan at pinangingilagan din ng mga netizens ang kumakalat ngayon sa Facebook.

Larawan mula sa Facebook account ni Anna Pola

Ibinahagi ng social media user na si Anna Pola ang kakaibang parlor game na sinuman ay hindi yata gugustuhing salihan. Imbes kasi na papremyo ang mabubunot ng maglalaro, mga bills o bayarin ang makukuha nila sa mga pagpipilian. Nakatakip ang mga mata ng ‘manlalaro’ at sa halip na premyong nakasobre ay mga bills ng kuryente, tubig, credit card, at Internet ang makukuha.

Agad na pumatok sa mga netizen ang pinakakakaibang ‘parlor game’ na mayroon ngayon sa Facebook. Sa katunayan, umabot na sa higit 6,300 reactions na karamihan ay ‘haha,’ may lampas 400 na comments, at higit 7,500 shares ilang araw matapos i-upload.

Maraming netizens ang nakakuha raw ng ideya sa kanilang ipapalaro sa kanilang Christmas party. Sabi nila, mas matipid raw ito kaysa sa klasikong mga laro na sila pa ang kailangang magpapremyo. Sa ‘choose your bill’ game, ang mga maglalaro ang suwerteng ‘makaka-jackpot’ ng kanilang bayarin.

Sabi naman ng ilang netizen, mukhang hindi na sila sasali sa laro dahil simula naman daw nang marating nila ang stage ng #adulting, ay buwan-buwan namang may dumarating na bills sa kanila kaya hindi na raw kailangang dagdagan.

Larawan mula sa Pexels

May mga nagsasabi naman na magandang surpresa ito sa mga kompanyang totoong mamimigay ng pera sa mga empleyado. Imbes na ibigay agad ang totoong premyo ay maaaring itago muna sa utility bills ang tunay nilang mapapanalunan. Sa ganitong paraan daw ay mas madaragdagan ang saya ng kanilang mga palaro.

Inaabangan naman ng mga netizen ang vlog ni Anna Pola tungkol sa larong ito dahil kalakip ng kanyang post tungkol sa kakaibang parlor game ay ang pagpo-promote niya rin ng kanyang vlogging channel sa YouTube.