Chinkee Tan: “Hindi dapat sinasayang ang oras at panahon”




Imahe mula sa Facebook page ni Chinkee Tan/Public Domain Image
  • Ayon kay Chinkee Tan, hindi dapat sinasayang ang oras at panahon dahil hindi na ito maibabalik pa
  • Ibinahagi niya ang kaniyang daily routine kung paano niya pinamamahalaan ang kaniyang oras
  • Nagsilbi itong tips para sa ibang netizens na maging matalino sa paggamit ng kanilang oras at panahon

Gaano nga ba kahalaga ang oras at panahon?

Sinabi ng sikat na motivational speaker, financial expert, book author at negosyante na si “Chinkee Tan” na huwag aksayahin ang oras at panahon dahil sabi nga sa isang matandang kasabihan, “Time is precious; time is gold”.

Sa kaniyang opisyal na Facebook page, ibinahagi niya ang kaniyang daily routine kung paano niya pinamamahalaan nang mahusay at matalino ang kaniyang oras at panahon. Nagbigay siya ng apat na puntos: pagtatakda ng sariling deadline o hanggahan ng oras, paggalang sa oras ng ibang tao, paggalang sa sariling oras, at pagninilay–nilay at pagsasabuhay ng mga kailangang gawin.

Public Domain Image

Sa pagtatakda ng deadline o hangganan, kailangang alamin ang mga prayoridad o kailangang unahin na gawain, na kaniyang ginagawa tuwing gabi, upang hindi niya makalimutan ang mga kailangang gawin kinabukasan.

Kailangan din umanong igalang ang oras ng iba, dahil gaya niya, ayaw din niyang nasasayang ang kaniyang oras. Kailangang laging “on time”. Gawin itong habit. Mahirap din umano ang laging huli sa mga usapan dahil nag–iiwan ito ng hindi magandang impresyon at implikasyon sa ibang tao.

Ibinigay niyang halimbawa ang suliranin sa trapiko. Kapag alam na niyang mahuhuli na siya, gumagawa siya ng paraan upang makarating pa rin sa tamang oras ng usapan. To the rescue umano ang paggamit ng app na “Angkas” o motorcycle–taxi. Lahat daw ng suliranin ay may katapat na solusyon.

Huwag na huwag ding sayangin ang sariling oras. Use our time wisely dahil mahirap umanong magsayang ng oras dahil hindi na ito mababalikan. Kapag may naiisip umano siyang dapat gawin, agad niya itong isinusulat upang hindi makalimutan.

At higit sa lahat, gumawa ng paraan upang magka–oras para sa iyong pamilya, mahal sa buhay, at maging sa sarili.

Imahe mula sa Facebook page ni Chinkee Tan

“I also find time for my family, my happy wife and myself. Huwag din nating hayaan na lumipas ang araw na hindi natin maparamdam sa pamilya natin at sa sarili natin na mahalaga sila at mahalaga rin ang ating sarili,” ani Tan.

Dagdag pa ni Tan: “Hindi dapat sinasayang ang oras at ang bawat panahon, dahil hindi dapat natin sinasayang ang mga pagkakataon.”

Ikaw, paano mo ginagamit nang maayos ang iyong oras at panahon?

Source :

Facebook