Catriona Gray sa kanyang Miss Universe 2018 journey: ‘Forever thankful to everyone who built me up’




Larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray
  • Nagbalik-tanaw si Catriona Gray sa kanyang naging journey bilang Miss Universe 2018
  • Pinasalamatan niya ang lahat ng tumulong at nagdasal para makuha niya ang korona
  • Marami rin umano siyang natutuhan sa kanyang reign bilang Miss Universe

Natapos man ang reign ni Catriona Gray bilang Miss Universe, hindi naman natatapos ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong at nagpalakas ng kanyang loob nang sumabak siya sa prestihiyosong pageant. Kasabay sa pagbabalik-tanaw niya sa kanyang isang taon bilang reyna ng universe, ipinahayag ni Catriona ang pasasalamat sa lahat ng naging bahagi ng isang panalong bumago sa takbo ng kanyang buhay.

Sa pagdiriwang ni Catriona ng unang anibersaryo ng kanyang pagkapanalo bilang Miss Universe, idinaan ng beauty queen sa isang Instagram post ang pag-alaala sa kanyang naging journey. Ayon kay Catriona, nagpapasalamat  siya sa mga taong nagdasal at nagpalakas ng kanyang loob na muling sumabak sa Miss Universe pageant matapos mabigo nang sumali sa Miss World noong 2016.

Larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray

“A year ago today… a moment happened that changed my life forever. Forever thankful to everyone who built me up, cheered me on, prayed for me and supported me,” pahayag ni Catriona sa kanyang IG post na mayroon nang halos 650,000 reactions habang isinusulat ang balitang ito.

Dagdag pa niya, ang kanyang pagkapanalo sa Miss Universe ay isang patunay na ang paniniwala sa sariling kakayahan ay natatalo ang anumang tak0t na nararamdaman ng isang tao. Basta raw ginagawa mo ito para sa iyong pangarap, siguradong maaabot mo ito kahit na may pag-aalinlangan ka noong una.

“It was this moment that proved to me that faith does conquer fear. That taking a risk in the pursuit of a dream can sometimes give you an even greater gift than you ever could dream of. And that all those times I thought I’d been denied before, were really the universe redirecting me to something more.”

Kalakip ng post na ito ay ang mga larawan ni Catriona noong mismong araw ng pageant kabilang ang pag-anunsiyo ng kanyang pagkapanalo, ang pagpasa ng korona ni Miss Universe 2017 Demi Leigh Nel Peters, pagharap niya sa press bilang Miss Universe, at ang unang selfie niya bilang bagong reyna.

Larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray

Nakatanggap din si Catriona ng pagbati mula sa ilang mga kilalang personalidad. Nagkomento ang TV host at manunulat na si Bianca Gonzales-Intal sa post ni Catriona at sinabing siya ang ‘people’s queen.’ Sinabi naman ni Miss Globe Philippines 2018 Michele Gumabao na totoong ‘God is good.’

Mahigit isang linggo na nang ipasa ni Catriona ang korona sa bagong Miss Universe na si Zozibini Tunzi mula sa South Africa. Bigo naman ang pambato nating si Gazini Ganados na maiuwing muli ang korona para sa bansa.