91 anyos na lola, pinasaya ang netizens dahil sa kanyang mga ibinigay na pangalan sa Pokemon characters




Larawan mula sa YouTube video ng Our Epic Life
  • Ngiti ang dinala ng isang lola nang pangalanan niya ang mga Pokemon sa vlog ng kanyang apo
  • Nakatutuwa ang mga ibinibigay niyang pangalan sa mga Pokemon na tumatak din sa maraming netizens
  • Sinabi rin niya na hindi dapat pinaglalaban ang mga cute na Pokemon 

Bahagi ng kabataan ng marami sa atin ang mga cute na pocket m0nsters o Pokemon. Sinubaybayan natin ang adventures nina Ash, Pikachu, at iba pang Pokemon na tumatakbo na ngayon ng halos dalawang dekada.

Pero isang 91 anyos na lola ang trending sa social media ngayon dahil sa kanyang video kung saan sinusubukan niyang pangalanan ang mga Pokemon na ipinakikita sa kanya ng kanyang apo. Game na game ang matanda na ikinaaliw naman ng kanyang apo at maging ng mga netizen.

Larawan mula sa YouTube video ng Our Epic Life

Naisipan daw ng vlogger sa likod ng channel na Our Epic Life  na isama ang kanyang lola sa video para naman maiba ang content niya sa vlog. At hindi nga siya nagkamali dahil viral ngayon si lola na binigyan ng mga kakaibang pangalan ang mga Pokemon.

Unang ipinakita sa matanda ang larawan ni Balbasaur na tinawag niyang si ‘Strawberry’ dahil sa umbok sa likod ng Pokemon. Nang makita naman si Ivysaur sa screen, hindi nagawa ni lola na pangalanan ito pero napansin niya ang dahon sa likod nito.

Tinanong niya kung ano raw ba ang nagagawa kay Ivysaur at ipinaliwanag ng vlogger ang sistema ng isang Pokemon battle. Dito ay naging concerned si lola sa mga Pokemon. Hindi raw dapat pinaglalaban-laban ang mga ito dahil napakagandang hayop ng isang Ivysaur.

Pero ang nag-trending sa lahat ay ang pagpapangalan niya kay Charmander bilang Hamilton. Hindi napigilan ng vlogger sa likod ng kamera na humalakhak dahil sa ideya ng kanyang lola. Pati mga netizens ay sinabing dapat na raw i-petition na gawing Hamilton ang pangalan ni Charmander.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Nagpatuloy ang pagpapakita ng vlogger ng Pokemon sa kanyang lola hanggang umabot sila kay Warturtle. Ang pagkakarinig pa ni lola sa pangalan ng water type Pokemon ay ‘poor-turtle.’ Nang makarating naman kay Blastoise, ang rinig naman ng matanda ay ‘black toy.’ Nagreklamo pa si lola at sinabing hindi naman daw black si Blastoise dahil blue ang kulay nito.

Umabot na sa 17 million views ang video ni lola sa YouTube habang sa re-uploaded video naman ng Facebook page na Australian Millennials ay may halos 800,000 views na ito. Natuwa ang maraming viewers dahil kahit walang intensyong magpatawa ang matanda ay nakapagbigay siya ng ngiti sa mga netizens.

Source :

YouTube, Ranker