Blessings! 11-anyos na atletang naka-‘Nike’ na may 3 gintong medalya sa track and field, naging socmed favorite




Mga imahe mula sa Facebook posts
  • Hinangaan ang isang 11 anyos na babaeng atleta dahil sa kanyang pagiging kampeon sa kabila ng kakulangan ng maayos na sapatos
  • Nakabenda lang kasi ang paa ni Rhea Bullos nang sumabak sa track and field sa Iloilo
  • Maraming netizens ang nais magbigay ng tulong sa bata, kabilang ang UAAP champion na si Thirdy Ravena

Sa nagdaang Southeast Asian (SEA) Games, suporta para sa mga atletang Pilipino ang panawagan ng mga netizens sa gitna ng sari-saring kontrobersyang lumabas kaugnay ng malaking sporting event. Hindi naman binigo ng mga atletang Pinoy ang mga sumoporta sa kanila dahil ang Pilipinas naman ang itinanghal na over-all champion.

Ngunit isang araw bago ang opisyal na pagsasara ng SEA Games, muling nagkaisa ang mga Pilipino hindi para sa mga pambato ng bansa ngunit para sa isang atletang mag-aaral mula sa Iloilo. Umantig kasi sa damdamin nila ang isang batang atleta na gumawa lamang ng mistulang  ‘sapatos’ gamit ang benda bilang proteksyon sa kanyang mga paa.

Larawan mula sa Facebook post ni Predirick B. Valenzuela

Ibinahagi ng netizen na si Predirick B. Valenzuela ang larawan ng 11 anyos na si Rhea Bullos mula sa Balasan, Iloilo. Lumaban daw ang estudyante sa tatlong kategorya ng Iloilo Schools Sports Council Meet 2019. Naging malikhain ang batang babae at nilagyan pa ng logo ng sikat na shoe brand na ‘Nike’ ang kanyang benda sa paa na tanging proteksiyon nito sa pagsali sa track and field.

Ang magandang balita, sa kabila ng kakulangan sa maayos na saplot sa paa, itinanghal na gold medalist si Bullos sa 400, 800, at 15000 meter run sa elementary division ng athletics meet. Proud naman ang mga kamag-aral at guro ni Ballos sa Salvacion Elementary School dahil sa karangalang iniuwi nito para sa paaralan.

Agad na nag-viral sa social media ang larawan at kuwento ni Bullos. Ang mismong post ni Valenzuela ay umani ng 1,200 reactions at halos 600 na shares. Nire-upload naman ito ng Facebook page na Daily Guardian na umabot naman sa 40,000 ang reactions at 20,000 ang shares.

Maraming netizens ang nagsabi na gusto nilang tulungan ang bata at bigyan ito ng sapatos. Karapat-dapat daw ito na mabigyan ng maayos na sapatos dahil may talento ito na makatutulong sa kanya upang magkaroon ng magandang kinabukasan sa larangan ng palakasan o isports.

Samantala, sa post ni Ruby Cabag Sabandal ay makikitang hindi lamang pala si Rhea ang ganoon ang sapin sa paa, ngunit siya lamang ang nagkaroon ng mga gintong medalya. Ang mga kasamahan niyang sina Hazel Joy Suya at Mark Anthony Dichosa ay nagwagi rin sa 1500 meter run at parehong nakakuha ng bronze medals.

Imahe mula sa Facebook | Ruby Cabag Sabandal

“One of the rules in track and field is to use proper running shoes, but if not applicable, an athlete can run barefooted. Kaya sana sa mga may kaya dyan, baka naman pwede ma-sponsoran ito ng proper shoes,” paliwanag ng isang netizen.

Isa rin sa mga nagpahayag na gustong tumulong kay Bullos ay ang UAAP MVP at champion mula sa Ateneo de Manila University na si Thirdy Ravena. Nagkomento si Thirdy na sana ay i-message siya kaugnay sa impormasyon ng bata dahil gusto niyang magpadala ng tulong dito.

Samantala, may ilan na ring nagbahagi ng mga larawan kung saan si Rhea ay makikitang nakatanggap ng mga sapatos at iba pang gamit mula sa iba-ibang grupo at indibidwal.

Source :

Facebook, Facebook, FB, FB