#WeWinAsOne: Pagkakaisa at pagmamalaki ng mga Pilipino sa SEA Games opening ceremony




Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page
  • Naging matagumpay ang opening ceremony ng 30th Southeast Asian Games kung saan ipinakita ang talento at pagiging malikhain ng mga Pilipino
  • Itinampok sa seremonya ang makukulay na tradisyon at kulturang Pilipino na umantig sa puso ng mga Pilipinong manlalaro at manonood
  • Itinuturing na isang makasaysayang pangyayari ito sa ating bansa kung saan muling pinagkaisa ang mga Pilipino sa pamamagitan ng sports

Sa kabila ng mga kontrobersiya sa 30th Southeast Asian Games na kasalukuyang ginaganap sa Pilipinas, nanumbalik naman ang pag-asa, pagkakaisa, at pagmamalaki ng mga Pilipino dahil sa matagumpay na inaugural rites nito na ginanap sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan noong Nobyembre 30.

Nagkaisa ang iba’t ibang grupo ng mga manananghal na nagpakitang-gilas ng kani-kanilang talento sa pag-awit, pagtugtog, at pagsayaw na pinag-isa ng layunin ng palaro — ang “We Win As One.”

Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page

Nagsimula ang mga pagtatanghal sa mahusay na pagkakaawit ni Lani Misalucha ng “Lupang Hinirang.” Sinundan ito ng mga katutubong sayaw na nagpapakita sa makulay na kultura ng iba’t ibang katutubong pangkat sa Pilipinas.

Napuno ang arena ng mga Pilipinong manonood at tagasuporta ng Team Pilipinas. Iwinawagayway rin nila ang mga hawak nilang watawat ng ating bansa na simbolo ng ating kalayaan at pagkakaisa.

Sinabayan naman ng mga Pilipinong manonood ang awiting “Manila” nang ito ay patugtugin habang nagpaparada ang Team Pilipinas sa entablado. Maging si Pangulong Rodrigo Duterte ay sinasabayan ito habang pumapalakpak.

Bago ang opening ceremony, ang atleta at senator na si Manny Pacquiao ay isa sa mga nanawagan sa mga Pilipino na magkaisa para sa palaro sa kabila ng mga kinahaharap na mga kontrobersiya.

“Let us rise above the challenges and emerge as real winners! Let us do this for our athletes and for our country,” ayon sa Instagram post ng senator na isa sa mga nagpailaw naman ng cauldron sa New Clark City sa Tarlac kasama ang batang boksingero na si Nesthy Petecio.

Imahe mula sa 2019 SEA Games Facebook page

Samantala, maraming netizens ang nagpahayag ng kanilang paghanga at pagsaludo sa opening ceremony ng 30th SEA Games na sinasabing pinakamalaki at pinakamakulay na palaro na ginanap sa Pilipinas.

Muli, isa na naman itong patunay na kaya ng sports na pagkaisahin ang sambayanang Pilipino.