Tweet ni Senador Manny Pacquiao tungkol sa “priority,” umani ng kritisismo




Larawan mula sa Twitter account ni Manny Pacquiao
  • Umani ng iba’t ibang reaksyon ang tweet ni Senador Manny Pacquiao tungkol sa priority
  • Ayon sa mga netizens, hindi raw dapat nagtu-tweet si Pacquiao ng tungkol sa priority
  • Hindi raw kasi alam ng senador ang salitang ito dahil walang priority at maraming ginagawa

Madalas na magbahagi si Senador Manny Pacquiao ng words of wisdom sa kanyang social media accounts. Ang mga payo at quotes na ibinabahagi niya ay may kinalaman sa pagiging maka-Diyos, may kinalaman sa pamilya, at may ilang tungkol sa mga suliraning kinakaharap ng bansa.

Ngunit isang tweet mula kay Pacquiao ang inuulan ngayon ng puna mula sa mga netizens. Nagbahagi kasi ang champion boxer ng isang quote patungkol sa pagpili ng gagawing priority sa buhay. Pero ayon sa mga netizens, hindi raw si Pacquiao ang tamang tao upang talakayin ito dahil siya mismo ay hindi alam ang gagawing priority sa mga bagay na kanyang pinapasok.

Larawan mula sa Twitter account ni Manny Pacquiao

“Prioritize what is important each day of your life. You have time for what you choose to have time for. #valuetime,” sabi ni Pacquiao sa kanyang kontrobersyal na tweet na umani naman ng 302 retweets at 1,700 likes habang isinusulat ang balitang ito.

Pero imbes na makapagbigay ng inspirasyon, tila si Pacquiao ang nakakuha ng words of wisdom at sermon mula sa mga netizens. Bago pa kasi naungkat ni Pacquiao ang paksang “priority” ay nababatikos na siya dahil sa dami nang ginagawa niya ay hindi na raw niya natututukan ang kanyang pagiging senador.

Ayon sa mga netizens, dapat daw ninamnam muna ni Pacquiao ang quote na ibinahagi dahil kailangan niya raw muna talagang pag-isipan ang kanyang prayoridad. Payo ng ilan, sana naman ay pag-isipan ni Pacquiao kung alin ba talaga ang gusto niyang karerang tahakin — ang maging mambabatas, boksingero, atleta, artista, o negosyante.

“Hindi niya priority ang trabaho niya bilang Senador. Boxer muna, then singer, then actor, then basketball, then pamilya, then negosyante, then ano pa ba? Laging absent e,” sabi ng isang netizen.

Larawan mula sa Twitter account ni Manny Pacquiao

Matatandaang si Pacquiao ang senador na nakapagtala ng pinakamaraming absent sa ikatlo at huling session ng 17th Congress. Umabot sa 12 absences ang nagawa ni Pacquiao sa 61 na plenary sessions mula Hulyo 2018 hanggang Hunyo 2019.

“At alamin ang tunay na kakayahan. Walang duda, super galing ka na boxer. Alamat ka na. Pero as a law maker? Please naman humarap ka sa salamin. Nakakaawa ka pero minsan nakakainis din. Tumulong ka na lang sa tao as private Manny,” payo ng isang netizen.

May ilan namang nagtatanggol kay Pacquiao at sinabing kahit marami itong absent sa senado ay marami naman daw itong natulungan. Ngunit giit ng iba, hindi naman daw trabaho ng senador ang tumulong lang ngunit gumawa ng batas.