Tip sa pagdidyeta: Netizen na ‘on diet’ daw, ibinida ang ‘half rice’ niyang pagkain




Larawan mula sa Facebook post ni John Michael Mijares
  • Mayroong diet tip ang isang netizen para sa mga katulad niyang ‘half rice’ na lamang ang kakainin
  • Imbes kasi na half cup, ay kalahating kaldero ang kinakain niyang ‘half rice’ tuwing kakain
  • Maraming netizen ang nais gayahin ang ‘half rice’ ng netizen na ito para maumpisahan ang ‘diet’

Hindi maikakaila ang hilig ng mga Pilipino sa kanin. Mula almusal, tanghalian, at hapunan, minsan kasama pang meryenda, ay kanin talaga ang takbuhan ng mga kumukulong sikmura. Ngunit dahil madalas ay napapasobra ang kanin natin, hindi maiiwasan na madagdagan din ang ating timbang.

Dahil dito, pinapanata ng marami sa atin ang pagbabawas ng pagkain, lalo na ang kanin. Ang isang cup ng kanin ay ginagawa na lamang kalahati bilang bahagi ng pagdi-dyeta. Gayunman, ang sa isang netizen ay tila hindi papaawat sa pagkain niya ng kanin dahil mayroon siyang kakaibang takal ng ‘half rice.’

Larawan mula sa Facebook post ni John Michael Mijares

Trending sa social media ang post ng Facebook user na si John Michael Mijares na nangakong half rice na lang ang kakainin niya. Totoo namang “half” ang rice na tinatakal niya, pero imbes na half cup, half ng kalderong saingan ang kinukuha niya.

“Them: Mag-diet ka naman! Pwede? Me: Oo, half rice na lang ako palagi,” caption ni Mijares sa kanyang viral na Facebook post. Sa katunayan, umabot na nga sa higit 2,100 reactions, 1,700 comments, at 14,000 shares ang kanyang ‘tip’ tungkol sa pagda-diet.

Maraming netizens naman ang natuwa sa ideyang ito ni Mijares. Dahil certified kanin lover nga ang mga Pilipino, hirap ang iba na iwan ang kanilang favorite ulam kapares ang ilang sandok ng kanin. Kaya naman, nais nilang gayahin ang diskarte ni Mijares sa pagsandok ng ‘half rice.’

“Hahaha. Hanep. Oo nga naman. Half rice din naman yan eh. Di nga lang half cup. Half kaldero! Magaya nga to. #DietIsLyf talaga,” pahayag ng isang netizen.

Larawan mula sa Facebook post ni John Michael Mijares

“Naku, malapit na rin akong mag-half rice… half rice cooker. Hahahaha,” pabirong sabi naman ng isa pang netizen na aliw na aliw din sa post ni Mijares.

Ang ibang netizen naman, kanya-kanyang tag sa kakilala nilang ginagawa rin ang diet tip ni Mijares. Kilalang-kilala nila ang mga kaanak, kaibigan, at kasintahang ayaw ring magpaawat sa pagkain ng kanin kahit madagdagan ang timbang.