Time machine? Inorder na relo sa isang online shopping site, pabaligtad ang andar ng kamay




Larawan mula kay Raymond Añonuevo
  • Isang depektibong relo ang nai-deliver sa isang netizen na trending ngayon sa social media
  • Ayon sa uploader, pabaligtad raw kasi ang second hand o kamay para sa segundo ng relo
  • Biro niya, time machine yata ang nabili niya at hindi isang wrist watch

Inabangan talaga ng maraming Pilipino ang ginawang November 11 o 11.11 sale ng mga online shopping websites. Kabilang sa mga ito ang e-commerce giant na Lazada. Bukod sa kabi-kabilang diskwento, maraming shoppers ang naingganyong umorder ng iba’t ibang produkto dahil sa iba pang promo tulad ng buy one, take one.

Ngunit ang isang netizen, magkahalong inis at tawa ang nararamdaman sa kanyang biniling relo sa Lazada. Ibinihagi niya sa kanyang social media post na paurong ang takbo ng second hand o iyong kamay na para sa segundo ng ipinadalang item sa kanya.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Trending na ngayon sa social media ang post na ito ni Raymond Añonuevo sa Facebook. Dalawang milyong views na ang video kung saan makikita na baligtad ang takbo ng kamay ng Segundo ng nabiling relo. Biro niya, time machine yata ang na-order niya.

“Lazada gaming. Omorder ka ng relo pero time machine iyong deliver,” sabi ni Añonuevo sa kanyang post na mayroon nang 62,000 reactions, 13,000 comments, at 82,000 shares.

Nakapanayam ng GMA News si Añonuevo dahil nga sa kanyang viral post. Sabi niya, buy one, take one daw talaga ang relo. Dahil sa magandang offer, binili niya ito. Maayos naman daw ang isang unit, ngunit ang isa na nasa viral video niya ay mayroong depekto.

Ayon kay Añonuevo, hindi na raw siya mag-aaksaya ng panahon na ibalik ang kanyang biniling relo dahil buy one, take one naman daw. Biro pa nga niya, baka raw pagdating ng araw ay magkaroon ng mas malaking value ang kanyang “time machine” na relo.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng GMA News

Alam naman daw ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ganitong karanasan ng mga online shoppers at parami raw nang parami ang mga ganitong uri ng reklamo sa kanilang ahensiya. Karaniwan daw ay maling item ang naipapadala, mayroong depekto, o ‘di kaya naman ay iba sa specifications na nakalagay sa post sa mismong website.

Payo ng DTI, ugaliing basahing maigi ang description ng mga produkto at ang mga review upang makasiguro sa kalidad ng produkto. Huwag din umanong mag-alinlangang ibalik ang maling item at magsampa ng reklamo sa mga kinauukulan upang mapanagot ang mga online shopping sites sa kanilang mababang customer service.

Source :

Facebook, YouTube