‘Tanong mo, sagot mo’ na paskil sa isang opisina sa Laguna, kinatuwaan ng mga netizens




Larawan mula sa Facebook post ni Brian Jerico Dela Rosa at Pexels
  • Trending sa social media ang ‘tanong mo, sagot mo’ na paskil sa isang opisina sa Calamba
  • Sinasagot na kasi nito ang mga madalas na tanong ng mga nagpupunta sa kanila
  • Maraming netizens naman ang nakakuha ng magandang ideya sa viral na paskil

“Huwag mahihiyang magtanong.” Ito ang bilin ng aktres na si Susan Roces sa kanyang viral commercial tungkol sa isang generic brand ng gam0t. Hindi lang naman ito para sa pagtatanong kung may generic ba ang bibilhin kung hindi pati na rin sa iba pang pangyayari sa ating araw-araw na pakikipagsapalaran.

Isa sa mga pagkakataong dapat ay mahusay kang magtanong ay kung may nilalakad na papeles at mga dokumento dahil karaniwang nakalilito ang proseso nito. Ngunit sa isang viral na Facebook post, hindi na kailangang magtanong ng mga aplikante dahil sa mga paskil na tila sasagot na ng kanilang tanong.

Larawan mula sa Facebook post ni Brian Jerico Dela Rosa

Makikita sa post ni Brian Jerico Dela Rosa ang mga paskil sa isang opisina sa Calamba, Laguna na tila ‘tanong mo, sagot mo.’ Tungkol ito sa proseso ng pagkuha ng NBI clearance. Para bang sinasagot na ng mga nakapaskil ang paulit-ulit na tanong ng mga mamamayang nagtutungo sa opisina.

“Wala po NBI dito sa Calamba, sa Sta. Rosa po meron. Saan po sa Sta Rosa? Sa Bayan po. Saan po sa Bayan? Ipagtanong mo na lang,” lahad ng viral na paskil sa isang opisina sa Calamba.

“Bakit wala nap o NBI dito sa Calamba? Hindi po naming alam. Magkano po NBI clearance? Hindi rin po namin alam,” dagdag pa ng post.

Dahil sa kakaiba pero epektibong ‘tanong mo, sagot mo,’ na paskil, naging trending ito sa social media at umani ng higit 9,400 reactions, 1,000 comments, at 8,000 shares. Gayunman, noong 2018 pa ito ibinahagi ni Dela Rosa ngunit hanggang ngayon ay viral pa rin.

Larawan mula sa Pexels

Maraming netizens naman ang nakakuha ng ideya mula sa viral na post, lalo na iyong mga nagtatrabaho sa mga opisinang may pinoprosesong papeles. Sa ganitong paraan daw ay mas makatitipid sila ng oras sa paulit-ulit na pagsagot sa mga tanong ng kanilang mga kliyente.

“Dapat pala ganito nilalagay sa pinto ng opis. Mapapahinga ang lalamunan ko sa kakasagot sa mga nagtatanong. Hahaha. Salamat sa idea!” sabi ng isang empleyado na gagayahin yata ang paandar ng mga taga-Calamba.