Spanish animated movie na “Elcano and Magellan,” ginawang kontrabida si Lapu-Lapu at mga Pilipino




Larawan mula sa CrystalSky Multimedia
  • Binabatikos ang pelikulang Elcano and Magellan: The First Voyage Around the World dahil sa mali raw ang detalye nito
  • Magiging kontrabida kasi ang mga Pilipino at si Lapu-Lapu sa nasabing pelikula
  • Pag-aaralan naman kung ipalalabas sa bansa ang nasabing animated film na gawa ng mga Espanyol

Trending sa social media ang poster ng Spanish animated movie na Elcano and Magellan: The First Voyage Around the World (Elcano Y Magallanes: La Primera Vuelta Al Mundo sa Espanyol).

Ito ay isang historical movie tungkol sa paglalayag ng Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan at Spanish traveller na si Juan Sebastian Elcano. Ngunit inuulan ito ng batikos dahil daw sa hindi wastong detalye ng pelikula.

Ayon daw sa official website ng producer na Dibulitoon Studios, ang pelikula ay isang kuwento ng paglalakbay na babago sa kasaysayan ng mundo. Ibinibida rin sa ilang promotional ads na ang kuwento ay iikot lamang sa paglalakbay nina Elcano at Magellan, at ang eksena ng pagpunta nila sa Pilipinas ay magpapakita na kontrabida ang mga Pilipino.

Larawan mula sa CrystalSky Multimedia

“One of the most complete adventures ever told. A voyage to the unknown that started with Magellan in command and was concluded by Juan Sebastián Elcano. Storms, hunger, hostile tribes… Five ships sailed off from Seville. Three years later, only one of them managed to return, bringing their adventure full circle and finally proving that planet Earth is round,” ayon sa information section ng movie review site na Rotten Tomatoes.

Sa poster nga ng pelikula, makikita ang pagpapakilala sa bayaning Pilipino na si Lapu-Lapu. Ngunit sa poster at trailer, tila lalabas na kontrabida si Lapu-Lapu at iba pang mga Pilipino na nag-aklas laban sa pananakop ng mga dayuhan.

Kahit na walang dayalogo ang trailer, makikita pa rin ang ilang mahahalagang pangyayari tulad ng pagdating nina Magellan sa Mactan. Sinalubong sila ng isang sinaunang tribong Pilipino at tila nagkagusto pa si Elcano sa isang prinsesang Pilipina.

Larawan mula sa CrystalSky Multimedia

Dahil dito, maraming netizens ang bumabatikos sa impormasyong ipalalabas sa pelikula; dahil napatunayan na ng mga historyador na ang labanan ay naganap dahil sa pagtutol ng mga Pilipino sa pananakop nina Magellan.

Sa Enero 2020 raw ipalalabas ang pelikula sa bansa. Sa isang pahayag naman, sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na pag-aaralan ng MTRCB ang pagpapalabas ng pelikulang animated sa Pilipinas. Matatandaang idolo ni Pangulo Duterte si Lapu-Lapu at itinalaga pa ang Abril 27 bilang Lapu-Lapu day.