Separated couple King Badger at Jelai Andres, magkasama ngayon sa seryeng ‘One of the Baes’




Larawan mula sa Facebook page ng One of the Baes
  • Magkasama sa seryeng One of the Baes ang naghiwalay na mag-asawang sina Jelai Andres at Jon Gutierrez
  • Gaganap sila sa serye bilang mag-ex na tila pareho sa kinahinatnan ng kanilang relasyon
  • Nilinaw naman ni Jelai na hindi pa sila nagkakabalikan ng dating mister pero civil daw sila sa isa’t isa

Pinag-usapan noong Abril ang paghihiwalay ng Internet star na si Jelai Andres at asawang si Jon Gutierrez o mas kilala bilang King Badger ng rap group na Ex Battalion. Sa pamamagitan ng Facebook live, inilahad ni Jelai na hindi na sila nagsasama ng asawang si Jon dahil natuklasan niyang mayroon itong ibang babaeng karelasyon.

Simula nang maghiwalay sila, tila sumigla ang karera ni Jelai at naging TV personality na. Ngayon nga ay kasama siya sa primetime drama series ng GMA Network na One of the Baes kung saan ipinanamamalas niya ang husay sa kanyang pag-arte.

Larawan mula sa Facebook page ng One of the Baes

At ilang buwan matapos mapabalita ang kanilang hiwalayan, magkasama na ngayon sa nasabing Kapuso series ang dating magkatuwang sa buhay. Trending sa social media ang Facebook post ng One of the Baes page kung saan makikita ang mga larawan nila sa likod ng kamera.

Gaganap si Jon bilang ex-boyfriend ni Jelai na gumaganap bilang Dorie Quirino. Tila makatotohanan ang role na gagampanan nila sa top rating Kapuso series dahil sa ganito rin nauwi ang kanilang relasyon. Gayunman, bago ang kanilang paglabas sa telebisyon, una na ring nag-viral sa social media ang pagkikita ng dalawa sa isang event.

Noong Oktubre lamang ito naganap kung saan makikitang yumakap si Jon kay Jelai na magiliw namang tinanggap ng dating asawa. Dahil hindi pa pormal na napapawalang-bisa ang kanilang kasal, maraming fans nila ang umaasang magkakabalikan pa sila.

At ngayon ngang bukas na ang dalawa na magkasama sa isang proyekto, mas lumaki ang pag-asa ng mga fans na magiging maayos muli ang kanilang ugnayan at baka mauwi pa raw sa balikan. Pero nilinaw ni Jelai na sa ngayon ay civil sila ni Jon at hindi pa nagkakabalikan. Focused raw muna siya sa kanyang career.

Larawan mula sa Facebook page ng One of the Baes

Nag-trending naman sa social media ang official hashtag ng One of the Baes na #OOTBjolai na patungkol sa dating magkarelasyong sina Jelai at Jon. Natuwa sila sa production team sa likod ng Rita Daniela at Ken Chan starrer sa pagbibigay ng pagkakataon na makitang muli ang dalawa nang magkasama kahit sa serye lamang.

“Nagka-eksena sa #OOTB yung mga-ex? Wow. Okay yan at least dahil sa palabas na yan nagkakaroon ng bridge ‘yung may mga gap,” pahayag ng isang fan ng Jolai love team.

Source :

Facebook, PEP