Sarah Geronimo, masayang kinumpirma ang kanyang engagement kay Matteo Guidicelli sa ASAP Natin ‘To




Larawan mula sa YouTube video ng ASAP Natin 'To
  • Kinumpirma ni Sarah Geronimo ang kanyang engagement sa boyfriend na si Matteo Guidicelli
  • Una niya itong ibinahagi sa musical variety show na ASAP Natin ‘To
  • Bagama’t hindi siya nagbigay ng detalye ay ipinakita naman niya ang engagement ring sa live audience

Ginulat ni Matteo Guidicelli ang kanyang mga fans at ang buong online world nang ibahagi nito sa kanyang Instagram account ang engagement niya sa Pop Star Royalty na si Sarah Geronimo. Marami ang natuwa na mauuwi na rin sa kasalan ang anim na taong relasyon ng dalawang Kapamilya star.

At sa unang pagkakataon, masayang kinumpirma naman ni Sarah sa musical variety show na ASAP Natin ‘To ang kanyang nakatakdang pagpapakasal kay Matteo. Blooming na blooming ang The Voice coach na humarap sa live audience at ipinakita ang kanyang engagement ring.

I-click ang larawan upang mapanood ang video

Napuno ng halakhakan at kilig ang maikling panayam kay Sarah tungkol sa kanyang engagement na unang beses niya ring tinalakay  matapos lumabas ang post ni Matteo.

“Alam n’yo guys ganito kasi ‘yon eh…” biro ni Sarah nang abutan siya ni Piolo Pascual ng bulaklak bilang pagbati sa kanyang engagement. Tinanong din siya ni Billy Crawford kung mayroong gustong sabihin si Sarah tungkol sa engagement.

Hindi naman nagbigay ng detalye si Sarah at idinaan na lamang sa biro ang kanyang sagot. Ayon kay Sarah, napagod na raw kasi siyang maghintay kay Piolo na naging leading man niya sa isang pelikula at naging mabuting kaibigan rin niya.

“Napagod na kasi akong maghintay… Iisa lang kasi si Papa P eh… Kung marami lang Papa P sa buong mundo eh ‘di ang saya-saya!!!” biro ni Sarah na pinalakpakan naman ng audience.

Larawan mula sa Instagram account ni Matteo Guidecelli

Halatang umiiwas pa rin si Sarah na idetalye kung paano naganap ang kanyang engagement dahil nang tanungin siya ni Luis Manzano sa kaunting detalye, ibinato niya ang tanong sa co-host na si Billy kung kumusta ba ang buhay may asawa.

Sumagot naman si Billy na napakasarap daw magkaroon ng kabiyak dahil ang mga suliranin ay hindi na lamang solong pasanin ng isang tao. Basta raw may magandang relasyon sa Panginoon ay siguradong magiging matagumpay ang relasyon.