Samantha Lo, nagbitiw na sa pagiging Binibining Pilipinas Grand International 2019




Imahe mula kay @samantha_ashley_lo | Instagram
  • Nagbitiw na bilang Binibining Pilipinas Grand International 2019 ang k0ntrobersyal na beauty queen na si Samantha Lo
  • Sa kaniyang resignation letter na ipinasa sa Binibining Pilipinas Charities Incorporated (BPCI), sinabi ni Lo na nais niyang tumahak ng ibang direksiyon sa buhay
  • Opisyal nang binitawan ng beauty queen ang kaniyang korona noong November 27
Imahe mula kay @samantha_ashley_lo | Instagram

Kusang tinanggal ng beauty queen na si Samantha Lo ang kaniyang titulo bilang Binibining Pilipinas Grand International 2019 matapos nitong magpasa ng resignation letter sa Binibining Pilipinas Charities Incorporated (BPCI).

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, sinabi ni Lo sa kaniyang liham na nais niyang tahakin ang ibang direksiyon sa buhay maliban sa pagiging isang beauty queen.

Opisyal namang naisakatuparan ang pagbibitiw ni Lo noong Miyerkules, November 27.

Ibinahagi rin ng beauty queen ang kaniyang desisyon sa kaniyang mga social media followers.

“She took off her crown and thanked it for everything. Left…so she could live,” ani Lo. “Miss Grand Philippines 2019 officially signing off. Maraming Salamat Pilipinas! Now I’m off to my new path.”

Sa kasalukuyan ay wala pang balita mula sa Binibining Piipinas organizers kung magkakaroon ng kapalit si Lo upang maipagpatuloy ang gawain ng isang Binibining Pilipinas Grand International. Hindi pa rin nila masabi kung manggagaling ang susunod na title holder sa mga naging runner-up noong 2019 competition.

Nangyari ang pagbibitiw ni Lo isang buwan matapos nitong lumahok sa Miss Grand International pageant na ginanap sa Venezuela.

Dito, matatandaan na nasangkot si Lo sa isyu na may kinalaman sa kaniyang travel documents.

Imahe mula kay @samantha_ashley_lo | Instagram

Nagkaroon ito ng problema sa kaniyang passport kaya naman kinailangan nitong manatili nang mas matagal kaysa sa inaasahan sa Paris bago pa makarating sa Venezuela.