Sakripisyo nina ma’am: Mga gurong tumatawid ng mataas na ilog dahil sa baha, na-hulicam




Larawan mula sa DepEd LPS Club
  • Nakuhanan ng video ang pagtawid ng mga guro sa isang ilog na may malakas na ragasa ng tubig
  • Buti na lamang at may mga tumulong sa kanila na makatawid sa ilog
  • Ang isang guro nga ay muntik pang anurin ng malakas na tubig

Maraming ginagawang sakripisyo ang ating mga guro sa araw-araw na pagtuturo sa mga mag-aaral. Nariyan ang mga makukulit na bata, idagdag pa ang mga batang tila hindi sineseryoso ang kanilang edukasyon, at iba pang isyu katulad ng kakulangan sa mga pasilidad at kagamitan sa eskwela.

Ngunit hindi lahat ng sakripisyo ay nakikita sa loob ng paaralan at klasrum. Ang ibang guro ay dumaranas na ng mga suliranin papunta pa lamang sa eskuwela. Ganito ang mensahe ng isang video na ibinahagi ng isang Facebook page.

Larawan mula sa DepEd LPS Club

Kita sa video na inupload ng DepEd LPS Club ang makapigil-hiningang pagtawid ng mga guro sa mataas na tubig ng isang ilog dahil sa baha. Rinig sa video ang tilian ng mga gurong nahihirapan sa pagtawid. Mabuti na lamang at mayroong mga kabataan at ilang kalalakihan na tinulungan ang mga babaeng guro sa pagtawid sa ilog na malakas ang ragasa.

Nakita rin sa video ang isang guro na tila nakabitaw sa mga umaasiste sa kanila. Muntik nang anurin si ma’am na napahiga na sa tubig. Mabuti na lamang at nakakapit pa rin siya sa kamay ng isang lalaki kaya hindi naanod agad ng alon.

Ang isang guro naman ay halos hindi na makalakad nang maayos dahil sa ragasa ng tubig at halos mapahiga na sa bisig ng mga lalaking tumutulong. Nakaraos naman ang ginang at kahit pagod ay nakatawid naman sa ilog.

Hindi malinaw kung saang banda sa Pilipinas kuha ang video. Ngunit maraming mga netizen ang humanga sa mga guro na gagawin ang lahat upang makarating lamang sa kanilang mga paaralang pagtuturuan.

I-click ang larawan upang mapanood ang video ng DepEd LPS Club

May ilang mga guro din na naka-relate sa mga gurong nasa video. Ayon sa kanila, sa kani-kanilang lugar, lalo na sa mga probinsya, ay kinakailangan din nilang tumawid sa mga ilog kahit na malakas ang daloy ng tubig.

“We have also experience like this. The fl0od water is up to the neck. A rope is tied from one side of the river to the other side,” salaysay ng isang netizen.