Pasko na nga! Batang may buhok na ginawang mistulang parol kinaaliwan




Imahe mula sa Facebook page na Tom sawyer memes/Public Domain Image
  • Ikinatuwa ng netizens ang larawan ng isang batang babaeng may buhok na tinirintas, pinagbuhol–buhol, at pinagkabit–kabit
  • Nagmistula tuloy itong parol na isinasabit tuwing Pasko
  • Inihalintulad ito kay Starla, ang bituin sa teleseryeng pinagbibidahan ni Judy Ann Santos

Nalalapit na naman ang pagdiriwang ng Kapaskuhan, kaya naman maririnig na ang mga pamaskong awitin mula sa mga radyo, gayundin ang iba’t ibang mga palamuting nagpapahiwatig ng nalalapit na pagsapit nito, tulad ng Christmas tree, Christmas lights, belen, Santa Claus at lalo na ang pinakasikat sa lahat—ang mga parol.

Kaniya–kaniyang gimik ang mga Pilipino sa pagsasabit ng kanilang parol sa bawat durungawan ng kanilang tahanan. May tipikal na parol na nabibili sa pamilihan, may magarbo at napapalibutan pa ng mga kumukuti–kutitap na ilaw, at may ilang mula sa mga niresiklong kagamitan tulad ng mga bote, hanger, at marami pang iba.

Subalit isang naiibang parol ang kinaaliwan ng netizens na makikita sa Facebook page na “Tom sawyer memes”. Batay sa Facebook post, larawan ito ng isang nakatalikod na batang babae, na ang mga buhok ay tinirintas, pinagbuhol–buhol, at pinagkabit–kabit.  Nagmistula tuloy itong parol, kung titingnan mula sa top view.

Imahe mula sa Facebook page na Tom sawyer memes

Naaliw naman ang netizens sa larawang ito na naghatid ng good vibes para sa kanila.

“Ang iyong hiling aking tutuparin… ano man ang nasa loob, ipagkakaloob.. ngayon din! Now na! Hahaha. Parang si Starla.”

“Napaka–creative, pwede nang isabit sa ceiling ng mga room sa school. Siguro pinagdadala ito ng parol ng kanilang titser hahaha…”

“Pasko na!! Kulang na lang Christmas lights… tingnan mo yung hubog ng ulo pati pigura hahahahahaa! Ang cute. Parol na parol.”

“Ganda, hehehe. Kaso feeling ko, kawawa hair niya kapag inalis na ang sanrio. Pwede na siyang isali sa parol cosplay hahaha kung meron man. O kaya, siya ang taong parol.”

Ang mga parol o lantern ay mga pampalamuting pamaskong ilaw sa Pilipinas. Ang tipikal na parol ay hugis–bilog na may bituin sa gitna nito, at nakaugaliang yari mula sa mga kawayan at papel, kabilang ang papel de Hapon at papel de Tsina, na may iba’t ibang sukat, hugis at disenyo. Hango ito sa talang nasilayan ng tatlong haring mago sa kalangitan na nagturo sa kanila kung nasaan ang lokasyon ng pagkakasilang kay Hesukristo.

Public Domain Image