Netizen mayroong solusyon tungkol sa ‘pambansang photobomber’ ng Rizal Monument na Torre de Manila




Larawan mula sa Facebook account ni Tata Montenegro at YouTube
  • May suhestiyon ang isang netizen kung paano masosolusyunan ang pambansang photob0mber na Torre de Manila
  • Kung maaari daw ay pintahan ang gusali ng disensyo ng watawat ng Pilipinas
  • Marami namang netizens ang sumang-ayon sa suhestiyon ngunit may proseso itong kailangang pagdaanan bago maipatupad

Naging mainit na usapin ang pagpapatayo ng isang condominium building sa kahabaan ng Ermita, Maynila dahil panira umano ito sa view ng Rizal Monument na nasa Luneta. Kitang-kita kasi ito na animo’y background ng monumento ni Jose Rizal. Dahil dito, tinagurian itong pambansang photob0mber at sinabing isang panlalapastangan sa alaala ni Rizal.

Nagkaroon naman noon ng mga panukalang ipahinto ang konstruksiyon ng nasabing gusali na nangyari naman ng ilang buwan. Gayunman, natuloy ang pagtatayo rito dahil wala umanong batas na nilabag ng contractor ng gusali na DMCI Homes.

Larawan mula sa Facebook account ni Tata Montenegro

Dahil naitayo na ang Torre de Manila, may suhestiyon ang isang netizen kung paanong ang pambasang photob0mber ay hindi na maging panira sa view ng monumento ni Rizal. Ibinihagi ng netizen na si Tata Montenegro sa kanyang Facebook post ang kanyang ‘solusyon’ upang mag-blend ang Torre de Manila sa monumento sa Luneta.

Ayon kay Montenegro, kung pahihintulutan ng pamahalaang lokal ng Maynila at mga institusyong sumasaklaw sa watawat ng Pilipinas na kung maaari ay pintahan ang kabuuan ng condominium building na nakaharap sa Luneta ng disenyo ng bandila ng bansa.

“Sa city council ng Maynila at kay Mayor Isko Moreno at sa may-ari ng building na kung tawagin photob0mber at lalo na sa komisyon na namamahala ng ating bandila/watawat, baka pwede na itong aking naisip,” sabi ni Montenegro sa kanyang post kasama ang edited na larawan ng Torre de Manila na may pinta ng watawat ng Pilipinas.

Kung titignan ay tila isang magandang ideya ang naisip ni Montenegro lalo pa’t tapos na ang paggawa sa gusali. Gayunman, alam ni Montenegro na hindi basta-basta maaaring ipatupad ang kanyang suhestiyon dahil may batas na sumasaklaw sa paggalang sa watawat at hindi maaaring gawing disenyo ng mga produktong komersiyal.

Larawan mula sa YouTube

Maraming netizen din ang sumang-ayon sa disenyo ni Montenegro at umabot na sa 19,000 reactions at 15,000 shares ang kanyang post. Ayon sa mga netizens, magandang solusyon ito dahil hindi lamang mawawala sa paningin ang pambansang photob0mber kung hindi mas gaganda pa ang background ng monumento ni Rizal.

“Ayooooos. Mas gaganda pa ang background ng Rizal monument kung magiging ganito na lang. Brilliant idea sir,” pahayag ng isang netizen na nag-share ng suhestiyon ni Montenegro.