Nakatikim ka na ba ng “mabolo”?




Public Domain Image
  • Pinag–usapan ng netizens ang larawan ng prutas na “Mabolo”
  • Kilala rin ito sa tawag na “Kamagong” at “Velvet Apple”
  • Iniiwasan itong kainin ng ilan dahil sa kakaiba nitong amoy

Kung ang tao ay nahuhusgahan kaagad batay sa kaniyang kaanyuan o ipinakitang gawi sa publiko, gayundin naman ang mga prutas. Kapag katakam–takam itong tingnan sa mga balat pa lamang nito, isama pa ang mabangong amoy, agad itong pinipitas at kinakain. Subalit kung ito ay may kakaibang hitsura o amoy, tiyak na ito ay iiwasan. Ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga prutas na chesa, duhat, durian, at mabolo.

Kaugny dito, isang Facebook user na nagngangalang “Edna Cadawas” ang nagbahagi ng larawan ng mabolo sa Facebook page na “Memories of Old Manila”. Ayon sa Facebook post, tinatanong niya ang kapwa–netizens kung nakatikim na rin ba sila nito. Tinatawag pala ito sa Ingles na “Velvet Apple”.

Imahe mula Facebook page na Memories of Old Manila

Tumugon naman dito ang netizens.

“Marami niyan dito sa amin, hindi na nga lang pinapansin iyan dito, nabubulok na lang sa lupa. Karamihan kasi sa mga tao, ayaw sa amoy pa lamang niyan.”

“Yeah masarap iyan, malambot kapag malutong, matamis at nalalaglag lang iyan sa puno kapag umaga.”

“Ako nakatikim na rin niyan pero hindi ko type… saka nakakatusok yung balat niyan kaya ayaw ko hawakan iyan. Maraming tindang ganiyan sa mga eskwelahan noong araw.

Ang prutas na mabolo, na tinatawag ding “Diospyros Discolor” o Velvet Apple, ay karaniwang may kulay pula at mabalahibong balat, na ang laman ay maihahalintulad sa mansanas. Sa ibang mga lalawigan, kamagong naman ang tawag dito.

Sa Pilipinas at Taiwan, itinuturing na isa sa mga matitibay na puno ang puno ng kamagong o mabolo. Tinatawag itong “Iron Wood” o “Taiwan Ebony”. Ginagamit ang mga punong–kahoy nito sa paglikha ng mga kubyertos, suklay, at beads para sa mga kuwintas at alahas.

Bukod sa Pilipinas at Taiwan, matatagpuan din ang prutas at puno ng mabolo sa mga bansang Indonesia, Malaysia, Sri Lanka, Singapore, India, Bangladesh, at sa ilang mga lugar sa Australia, Hawaii, at Key West, Florida sa USA.

Public Domain Image